January 24, 2026

Home BALITA National

Palasyo, hindi hahadlang sa imbestigasyon ng HOR sa Dolomite Beach

Palasyo, hindi hahadlang sa imbestigasyon ng HOR sa Dolomite Beach
Photo courtesy: RTVM/YT, HOR/FB


Binigyang-diin ng Malacañang ang “separation of powers” sa pagitan ng House of Representatives (HOR) at ng Pangulo, hinggil sa napipintong imbestigasyon ng Kamara patungkol sa Manila Bay Dolomite Beach Resort sa Nobyembre 17.

KAUGNAY NA BALITA: Imbestigasyon sa dolomite beach, pagugulungin sa Kamara—solon-Balita

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Nobyembre 4, nanindigan si Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na hindi umano hahadlang ang Pangulo sa kahit ano mang paraan, ukol sa planong imbestigasyon ng HOR sa naturang beach resort.

“Unang-una po, muli, ang ipapaalala natin na may separation of powers. So, kung ano man po ang magiging trabaho at gagawing mga hakbang ng House of Representatives (HOR) sa pag-iimbestiga dito sa Dolomite Beach, ‘yan naman po ay kanilang trabaho—at hindi po hahadlang sa anumang hakbang ang Pangulo patungkol diyan,” ani Usec. Castro.

“Maaari natin po talagang maging hakbang ito para makita kung talaga ba ‘tong nagkaroon ng anomalya, kung mayroon bang naidulot ito sa nangyayaring pagbaha sa Metro Manila, at kung nakaapekto ito sa kalikasan ng ating bansa,” dagdag pa niya.

Matatandaang sinagot din ni Usec. Castro ang mga alegasyong ang Dolomite Beach Resort investigation ay “politically motivated,” at isa umanong paraan upang pagtakpan ang anomalya at isyu ng ilang flood control projects sa bansa.

“Hindi naman po ibig sabihin na kapag ka po iniimbestigahan ang mga proyekto ng nakaraang administrasyon, ito’y pamumulitika lamang. Ibig po bang sabihin kapag ka pinaiimbestigahan ang nakaraang proyekto na naganap o nagawa ng nakaraang administrasyon, dapat hindi na ito paimbestigahan dahil otherwise, it will be considered as politicizing? Parang hindi naman po yata tama ‘yon,” saad ni Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Parang hindi naman po yata tama ‘yon!’ Malacañang, nanindigang hindi pamumulitika imbestigasyon ng mga proyekto ng nagdaang admin-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA