Kinumpirma ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na makakatanggap na rin ng wage increase o umento sa sahod ang minimum wage earners at mga kasambahay sa Region I (Ilocos) at Region VI (Western Visayas).
Ayon sa NWCP, ito ay kasunod na rin ng Wage Orders na inisyu ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa mga naturang rehiyon.
Nabatid na batay sa Wage Order No. RB 1-24, ang minimum wage rates sa Ilocos Region ay tataas ng mula P37 hanggang P45 habang nakasaad naman sa RB 1-DW-06 na ang monthly minimum wage naman ng mga kasambahay sa rehiyon ay papalo na sa P6,700.
Samantala, alinsunod naman sa Wage Order No. RBVI-29, ang minimum wage rates sa Western Visayas ay tataas ng mula P37 to P40 habang batay sa RBVI-DW-07, ang monthly minimum wage ng mga kasambahay para sa rehiyon ay magiging P6,500 na.
“The approved daily wage increases are from ₱37 to ₱45 in Ilocos and ₱37 to ₱40 in Western Visayas. This will cover an estimated 389,505 minimum wage earners, as announced by the Department of Labor and Employment (DOLE),” anunsiyo ng NWCP, sa kanilang Facebook page.
Dagdag pa nito, “Domestic workers or kasambahays in Ilocos and Western Visayas will also receive a monthly increase of ₱700 and ₱500, respectively, covering an estimated 259,819 domestic workers.”
Ang naturang umento sa sahod ay epektibo sa Nobyembre 19.