Binuweltahan ni Davao 1st district Rep. Paolo “Pulong” Duterte si ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio kaugnay sa pagpabor umano nito sa paggulong ng imbestigasyon sa Dolomite Beach project sa Kamara.
“I think it’s positive, it’s about time na malantad talaga na talaga useless naman itong proyekto na ito. Sinimulan noong nakaraang administrasyon, kalagitnaan pa noong pandemic [na] over ₱600 million ang nagastos na rito at hindi ito tunay na rehabilitasyon ng Manila Bay[...]” saad ni Tinio sa ambush interview ng media noong Lunes, Nobyembre 3, 2025.
MAKI-BALITA: Imbestigasyon sa dolomite beach, pagugulungin sa Kamara—solon
Ayon naman sa isinapublikong pahayag ni Pulong sa kaniyang Facebook post noon ding Lunes, Nobyembre 3, tila agresibong mga salita ng pinakawalan ni mayor patungkol sa nasabi ni Tinio.
“Noong bilyones ang nawala, nasaan kayong mga magagaling na umuusig. Noong galit na galit ang taumbayan sa garapalan na nakawan na nabunyag nitong taon lamang, kapansin-pansin na tila ang dali ninyong makalimot,” saad ni Pulong.
Pagpapatuloy pa ni Pulong, tahasan niyang binanggit ang mga salitang “bangag” at “tambaloslos” na “amo” raw nila Tinio.
“Kung tutuusin, mas dapat itanong: may nanagot na ba sa bilyones na nawala sa panahon ng amo ninyong bangag at tambaloslos? Wala, ‘di ba?” pagkukuwestiyon niya.
“Huwag tayong magpanggap na champion ng transparency kung pamumulitika lang ang habol. Kung totoo ang hangarin ninyong ‘accountability,’ simulan ninyo sa sarili ninyo — at sa mga pinagsilbihan ninyong may bahid ng korapsyon,” dagdag pa niya.
Ani Pulong, binigyang-diin niya ang kahalagan ng pagpapatayo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng Dolomite Beach project para raw mapakinangan ng mga taga Maynila at para malinis din ang Manila Bay.
“Ilang dekada na ang nagdaan at walang ni isang opisyal ng gobyerno ang nagbigay ng nararapat na pansin sa problema ng Manila Bay at tila sinanay na lang tayo sa dumi at mga basura na lumulutang dito,” ‘ika ni Pulong.
“Ngayon may ginawa ang isang Pangulong taga-Mindanao para mapakinabangan ang Manila Bay, marami ang nasiyahan at sa wakas ay na linis ang Manila Bay…ngunit pagkatapos ng ilang taon at dahil sa pulitika, pilit na ginagawan ng issue ang Manila Bay at pinapahid kay Pangulong Duterte upang siraan ito,” pagdidiin pa niya.
Dagdag pa ni Pulong, wala raw problema sa kaniya kung mapanagot man si FPRRD dahil proyekto niya rin mismo ang Dolomite Beach project ngunit dapat din daw na mayroong panagutin sa “pumirma” sa mga korapsyong naging talamak sa 2023-2025 national budget.
“Walang problema mapanagot lahat kung may kasalanan gaya ng sabi ninyo kasama sa FPRRD dahil proyekto nya ito. Bakit tila pipi kayo sa pagpapanagot sa PUMIRMA na ng pinaka corrupt na budget ng 2023-2025!” paggigiit ni Pulong.
“Nakakahiya kayo! Kung sa tingin ninyo ay bobo ang mga Pilipino, nagkakamali kayo. Malinaw sa mata ng bawat pinoy na ang mga imbestigasyong ito ay mga paraan lang para pagtakpan ang totoong issue na bumabalot sa bayan ngayon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, humihingi na ng pahayag ang Balita kay Tinio nitong Martes, Nobyembre 4, kaugnay sa naturang post ni Pulong patungkol sa kaniya.
MAKI-BALITA: Imbestigasyon sa dolomite beach, pagugulungin sa Kamara—solon
Mc Vincent Mirabuna/Balita