Tila hindi sang-ayon si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa naging pahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na marami raw sa sangkot sa maanomalyang flood-control projects ang magpapasko sa kulungan.
“Tingin ko marami-rami ang magpapasko sa kulungan in the next few weeks and few months dahil nga nagmadali tayong mag-file ng kaso,” saad ni Dizon sa press conference noong Lunes, Nobyembre 3, 2025.
Ayon naman sa isinapublikong pahayag ni Barzaga sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 4, tila nagpaabot ng hindi pagsang-ayon sang congressman sa nauna nang naging pahayag ni Dizon.
“Walang makukulong habang nasa Malacañang ang boss mo, kailangan natin siyang tanggalin para magkahustisya sa Pilipinas,” mababasa sa post ni Barzaga.
Photo courtesy: Kiko Barzaga (FB)
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag si Dizon kaugnay sa naturang post ni Barzaga.
Matatandaang nagbigay ng anunsyo si Dizon na bibilisan na raw nila ang pagproseso ng mga kaso kaugnay sa mga sangkot sa flood-control anomalies batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Klaro ang direktiba ng ating Pangulo,” pagsisimula niya, “Ang sabi ng Pangulo natin, kailangang bilisan na natin ang pananagot ng mga dapat managot[...]” ani Dizon.
Pagbabahagi pa ni Dizon, may suspetsa raw siya na marami ang magpapasko sa kulungan dahil sa pagpapabilis nila ng proseso sa imbestigasyon sa nasabing anomalya.
“Tingin ko marami-rami ang magpapasko sa kulungan in the next few weeks and few months dahil nga nagmadali tayong mag-file ng kaso,” saad pa ni Dizon.
Mc Vincent Mirabuna/Balita