Nanindigan ang Palasyo na gumaganap ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang maiangat ang buhay ng bawat Pilipino sa bansa.
Ito ay matapos nilang mabalitaan na 50% ng mga Pilipino ay itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mahihirap, ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) kamakailan.
“So itong 50%, it’s lower compared to last year, but it’s still higher if you consider na noong pre-pandemic, e nasa 38% na ‘to, mas mababa na ‘to noon pa. It’s something to be concerned about na half ng Filipinos ay nagsasabing sila ay mahirap. So, bale ito pong 50%, this is estimated 14.2 million households,” ani Leo Laroza, Director for Communications and Information Technology ng SWS, sa panayam ng DZMM Teleradyo kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Nakakaalarma?’ Pagturing ng mga Pilipino sa sarili bilang mahirap, iniimpluwensyahan ng inflation rate—SWS-Balita
“Unang-una po, alam naman po natin na ang survey ng SWS ay subjective indicator of well-being. Aalamin po, aaralin po kung saan ito nanggagaling, at kung may kakulangan, at kung saan may kakulangan. Aalamin din po ang pinaka-official data mula sa PSA na siyang gumagamit ng objective and income-based measure. So, sa ating pagkakaalam, at ito naman ay nasa datos na rin po, ang Pangulo po at ang administrasyon na ito ay talagang gumaganap para po maiangat ang buhay ng bawat Pilipino,” panimula ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Nobyembre 4.
“Nandiyan po ang report na mayroon po tayong 96.1% na pagtaas, employment rate po natin ay nasa 96.1%. Pati po ang inflation rate, 1.7%, ito po ay within the projected target na 2-4%. Nandiyan din po ang programa ng DSWD, ‘yong walang gutom, kung saan po sinasabi iyong among hunger beneficiaries drops 7.2%. Nandiyan din po ang KALAHI-CIDSS na programa ng DSWD, ang tawag dito ay Kapit-bisig Laban sa Kahirapan - Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services. Kasama na rin po ang Sustainable Livelihood Program ng DSWD,” patuloy pa niya.
Inilahad din ng press officer ang bilang ng mga Pilipinong “graduate” na umano sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na aniya’y nakapagtapos na sa kahirapan.
“Alam din po natin na 860,471 members na po ng 4Ps ang gumraduate, at sila po ay kumbaga ay naka-graduate na sa kanilang kahirapan. Sila po ay naalis na sa 4Ps Program—but still, magpapatuloy pa rin po ang Pangulo at ang administrasyon na mapagaan pa po ang kabuhayan ng bawat Pilipino,” anang press officer.
Siniguro din niyang hindi magbibingi-bingihan, at pakikinggan ng administrasyon ang mga naririnig nito, upang mas mapaganda pa umano ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.
Vincent Gutierrez/BALITA