Maaga matatanggap ng higit 1.85 milyong government employees sa buong Pilipinas ang kanilang year-end bonus at cash gift, ayon sa Malacañang.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Nobyembre 4, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro na papalo sa higit ₱63 bilyon ang budget para sa ipamimigay na year-end bonus, habang higit ₱9 bilyon naman para sa cash gift.
“Limampu’t isang araw bago magpasko, may good news sa ating mga kawani ng gobyerno. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., maagang maipamimigay ng Department of Budget and Management o DBM ngayong buwan ang year-end bonus at ₱5,000 cash gift sa mga kawani ng gobyerno,” ani Usec. Castro.
“Para sa fiscal year 2025, may kabuuang ₱63.69 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus ng mga civilian at uniformed personnel; at ₱9.24 bilyon naman para sa cash gift na sasaklaw sa mahigit 1.85 milyong empleyado ng pamahalaan sa buong bansa,” karagdagan pa niya.
Inilahad din ng press officer na ang hakbang na ito ng administrasyon ay isang tanda ng pagpapahalaga nito sa mga lingkod-bayan sa buong bansa.
“Ang naturang hakbang ng DBM, sa pangunguna ni Secretary Amenah Pangandaman, ay pagpapakita ng Marcos Administration sa pagpapahalaga sa mga lingkod-bayan, at sa kanilang kabayanihan para sa bayan,” anang press officer.
“Isa rin ito sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagkilala sa pagsisikap at dedikasyon ng mga kawani ng gobyerno,” saad pa niya.
Ayon pa sa PCO, ang maagang pamaskong ito ay isang pasasalamat para sa serbisyo at sakripisyo ng mga naturang empleyado ng pamahalaan, na inaasahang maipamimigay ng DBM sa unang bahagi ng Nobyembre 2025.
Vincent Gutierrez/BALITA