Narekober ng pinagsamang-puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang humigit-kumulang ₱127 milyong halaga ng cocaine, sa isang joint retrieval operation na isinagawa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Palawan.
Sa ibinahaging ulat ng PNP sa kanilang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 4, tinatayang aabot sa 24,003.7 gramo ang timbang ng naturang droga, na may standard drug price na ₱127,219,610.00.
Inilahad naman ng PNP ang mga pahayag nina Officer-in-Charge PNP, Police Lieutenant General Edgar Alan O. Okubo at PNP Spokesperson Police Brigadier General Randulf T. Tuaño hinggil sa nasabing operasyon.
“Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng mas pinatibay na ugnayan ng ating mga ahensya at ng ating dedikasyon na protektahan ang bawat komunidad laban sa banta ng iligal na droga," ani Okubo.
"Sa patnubay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling matatag ang PNP sa pangarap na magkaroon ng isang ligtas at drug-free na Pilipinas,” karagdagan pa niya.
“Bawat matagumpay na operasyon ay patunay na epektibo ang pagkakaisa at koordinasyon. Hindi kailanman bibitiw ang PNP sa pagbabantay sa ating coastal borders at sa pagpapanatiling ligtas ang ating mga komunidad mula sa panganib ng ilegal na droga,” ani Tuaño.
Ayon sa PNP, ang mga nasamsam na ilegal na droga ay pansamantalang dinala sa Palawan Provincial Forensic Unit upang masuri. Matapos nito, agad namang isasagawa ang turnover nito patungo sa PDEA Palawan Office para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya hinggil sa pinagmulan ng naturang ilegal na droga, kasama na ang pagsusuri kung ito ba ay galing sa mga sindikatong may kinalaman sa transnational drug trade.
Matatandaang kamakailan lamang ay ₱19.2 milyong halaga naman ng marijuana ang namataang palutang-lutang sa West Philippine Sea (WPS), na tinatayang aabot sa 16 kilo ang timbang.
“Habang nagsasagawa ng regular na maritime patrol sa bahagi ng Sabina Shoal, nakakita ang mga personnel ng Hukbong Dagat ng itim na duffle bag na palutang sa karagatan. Nang ito ay siyasatin, natuklasang naglalaman ito ng 32 heat-sealed plastic packs ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana kush, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 16 kilo,” anang PNP.
KAUGNAY NA BALITA: ₱19.2 milyong halaga ng marijuana, namataang palutang-lutang sa WPS-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA