Naghayag ng reaksiyon si showbiz insider Ogie Diaz kaugnay sa pagsita ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chair Ralph Calinisan sa isang indibidwal na sinuot ang uniporme ng pulis para gawing Halloween costume.
Sa latest Facebook post ni Ogie nitong Martes, Nobyembre 4, gumawa siya ng bukas na liham para kay Calinisan.
“Sir, mas bibilib po sa inyo yung taumbayan kung makakapagpakulong kayo ng corrupt officials. O kaya magpakulong kayo ng tiwaling pulis na totoong uniporme ang suot, may tsapa at insignia pa,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Holloween party nga, di ba? So labanan ng costume — nakakatakot man o hindi. Ang nakakatakot ay itong ganito kabababaw na reklamo at argumento. Tapos, ipapatawag pa. Scary, di ba? Aba’y pang-Holloween nga.”
Kaya sa halip daw na magsiga-sigaan, pinayo ni Ogie na alagaan at ingatan ang kapulisan sa tama at makabuluhang paraan dahil baka lalong hindi mawala ang impresyon ng takot sa mga alagad ng batas.
Samantala, nagbigay din ng payo si Senador Kiko Pangilinan hinggil sa nasabing isyu. Ayon sa kaniya, unawain na lang umano ang sitwasyon at damdamin ng taumbayan.
Maki-Balita: Pumalag sa Halloween costume! Sen. Kiko, pinayuhan Napolcom na unawain 'nagpapasuweldo' sa kanila
Matatandaang nagbabala rin ang Philippine National Police (PNP) sa publiko tungkol sa mga lumulutang na larawan sa social media na ginagawang costume ang uniporme ng kapulisan.
Maki-Balita: PNP, nagbabala sa mga nagsusuot ng ‘police uniform’ bilang costume