January 04, 2026

Home SPORTS

'Di nagbenta ng laro para sa pera!' Jonas Magpantay, inalala ama sa pagkapanalo sa Qatar 10-ball Billiard WC

'Di nagbenta ng laro para sa pera!' Jonas Magpantay, inalala ama sa pagkapanalo sa Qatar 10-ball Billiard WC
Photo courtesy: Qatar Billiards & Snooker Federation (FB)

Isa sa pangunahing inalala ng binansagan bilang “The Silent Killer” mula sa Bansud, Mindoro Oriental na si Jonas Magpantay ang kaniyang ama matapos niyang manalo sa 10-ball Billiards World Cup 2025 sa Qatar.

Ayon sa inilabas na pahayag ni Magpantay sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Nobyembre 3, sinabi niyang magiging masaya raw ang kaniyang ama kung nabubuhay pa rin ito at makita ang kaniyang pagiging World Champ.

“Pa, kamusta na? Saan ka banda? Nakikita mo ba ako ngayon? Nagawa ko na! Nakamit ko na! Alam kong kung nandito ka, walang paglalagyan ang mga luha mo sa saya,” pagsisimula ni Magpantay.

Ani Magpantay, ang ama niya ang nagturo sa kaniya kung paano maglaro ng bilyar.

Bukod sa bronze medal: Elijah Cole, kinakiligan sa face card pati 'pangalan' niya

“Ikaw ang taong dahilan kung ba’t ako nagkaroon ng pangarap. Ikaw ang nagturo sa ‘kin kung paano maglaro at kung paano laruin ang buhay. Sa kabila ng kahirapan natin dati, nahubog mu parin akong maging isang ganap na tao,” pagbabahagi niya.

Pagpapatuloy pa ni Magpantay, hindi raw siya kailanman nagbenta ng laro para lang sa pera dahil sa prinsipyo at dignidad na pinanghawakan niya.

“Prinsipyo at dignidad mo pinanghawakan ko,” aniya, “Pa, sa buong karera ko kahit mahirap lang tayo, ni minsan hindi ako nagbenta ng laro para sa pera. Dahil ‘yan ang unang tinatak mo sa isip ko at alam ng Diyos ‘yan. Kung kapiling mo s’ya ngayon, masasabi n’ya sayo yon. Kasi diba ‘yon ang sabi mo sa akin bago ka mawala?”

“Sabi mo pa, ipangako mo sa akin na magkakampeon ka balang araw, ito na pa, natupad ko na,” dagdag pa niya.

Matatandaang matagumpay na nakuha ni Magpantay ang tropeyo sa ginanap na Qatar 10-ball Billiard World Cup 2025 noong Linggo, Nobyembre 2, 2025 (araw sa Pilipinas).

MAKI-BALITA: Jonas Magpantay, kampeon sa Qatar 10-ball Billiard WC 2025!

Ayon sa ibinahaging post ng Qatar Billiards & Snooker Federation sa kanilang Facebook page noon ding Linggo, makikita ang pagbibigay ng premyo kay Magpantay sa nasabing torneo ng cash prize na US$100,000.

Nakaharap ni Magpantay sa championship ng Qatar 10-ball Billiard World Cup ang kasalukuyang rank 99 ng World Nineball Tour (WNT) na si Szymon Kural mula sa Poland, natapos ang kanilang laro sa score na 13-9 pabor sa Pinoy World Champ.

MAKI-BALITA: Johann Chua, nangilabot sa kapalarang kampeonato ni Jonas Magpantay sa 10-ball Billiard WC sa Qatar!

Mc Vincent Mirabuna/Balita