December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto

'Ceasefire na!' Anjo, 'di na tutuloy sa ayudang tsika tungkol sa umano'y chicks ni SP Sotto
Photo courtesy: Screenshot from Anjo Yllana (FB)/via MB

Nagsalita na ang aktor at TV host na si Anjo Yllana hinggil sa pinag-usapang pasabog na rebelasyon niya patungkol kay Senate President Tito Sotto III, sa isinagawa niyang live kamakailan.

Sa live ni Anjo na kumakalat na sa iba't ibang social media platforms, may kung ilang araw na niyang pinasasaringan ang mga dating kasamahan sa noontime show, partikular si SP Sotto.

Tila nagbanta si Anjo na isisiwalat niya kung sino ang umano'y kabit ng senador sa Eat Bulaga simula pa noong 2013, kung patuloy siyang babanatan ng mga umano'y "vloggers" ni SP Sotto.

"Ano Titosen, gusto mo ba talaga? Meron ka pang Cristy Fermin eh, gusto mo ba talaga? Gusto mo ba talagang sabihin ko kung sinong kabit mo at kung sino 'yong girlfriend mo sa Eat Bulaga na naging girlfriend pa ni Bossing, sabay pa kayo?" ani Anjo.

Tsika at Intriga

Kim Chiu, Paulo Avelino nagsasama na sa iisang bubong?

Ayon pa kay Anjo, tila "pinalakad" pa raw sa kaniya ni SP Sotto ang tinutukoy na kabit para mapunta sa kaniya.

Nagsabi rin si Anjo na alam daw niya ang mga nangyari sa noontime show at ang "sindikato" sa likod nito. Hinamon din niya si Sotto na ilabas ang mga ebidensya na talagang ibinibigay raw ang suweldo sa mga scholar ng show. Dagdag pa ni Anjo, hindi raw siya natatakot sa TVJ (Tito, Vic, at Joey De Leon).

"Ilang taon na lang eh ilalatag ko na kung ano talaga nangyari diyan sa Eat Bulaga... Oy hindi ako takot sa TVJ anong pinagsasabi n'yo? Si Director Bert De Leon mula 1979 ay direktor ng Eat Bulaga bago mamatay umiiyak sa akin, kasi pinagsasaksak siya sa likod, siniraan siya para matanggal siya bilang director," pagbubunyag ni Anjo.

"Pati 'yong asawa niya na naiwan umiiyak sa akin dahil winalang-hiya siya. Oo plinano, kaya nga may sindikato diyan eh sa Eat Bulaga, masasama ibang tao diyan," dagdag pa.

Hindi naman idinetalye ni Anjo kung sino ang tinutukoy niyang "sindikato" sa longest-running noontime show.

Hindi rin naglabas ng opisyal na pahayag ang kampo ni Sotto patungkol dito.

KAUGNAY NA BALITA: 'Laglagan na!' Netizens naintriga kay Anjo dahil sa umano'y kabit ni Titosen noon pang 2013

Pero sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kay Anjo, sinabi ng huli na nagkausap na raw sila ni Titosen, at sinabing "ceasefire" na sila patungkol sa isyung ito.

Ito raw ay "bluff" lamang daw ni Anjo dahil sa pagkabanas sa mga "troll" na bina-bash siya, na aniya, ay mula umano sa kampo ng senate president.

Isa pa raw, may kinalaman din umano sa sigalot ng Eat Bulaga hosts at pamunuan ng TAPE, Inc. ang paglalabas niya ng ganoong pasabog. Nang matanong daw kasi siya ng press tungkol dito, nasabi raw niya na ang may-ari ng Eat Bulaga ay mga Jalosjos, bagay na ikinagalit daw ng mga taga-noontime show. Matatandaang kumalas sa TAPE ang TVJ bitbit ang co-hosts at mismong show noong Mayo 31, 2023. Namaalam naman sa show si Anjo noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya.

May kinalaman din umano ang pagiging "DDS" o Diehard Duterte Supporter ni Anjo sa naging mga hakbang niya, matapos naman siyang banatan ng ilang mga tagasuporta ni Sotto. Si Sotto ay iniuugnay raw bilang nasa panig ng administrasyon dahil sa pagiging senatorial candidate niya sa slate na "Alyansa Para sa Bagong Pilipinas" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos. Jr. sa nagdaang national and local elections (NLE).

Si Anjo raw ay aktibong nagpapahayag ng kaniyang damdamin laban sa administrasyon dahil sa pamamalakad nito sa kaslaukuyan.

"Eh siyempre si Titosen kaalyado ng present government, so yung trolls ng Eat Bulaga! inaaway ako," mababasa pa sa pahayag ni Anjo.

Kuwento ni Anjo, mukhang hindi na matutuloy ang banta niyang paglalantad sa umano'y "karelasyon ng senate president batay sa binitiwan niyang pagbabanta sa social media, matapos ang pag-uusap nila nina Vic at Maru Sotto, mga kapatid ng senador.

Aminado si Anjo na nang magkausap daw sila ng mga utol ng senate president ay galit sila sa kaniya dahil nga naman hindi rin basta-basta ang mga binitiwan niyang alegasyon.

Ipinagdiinan daw ng magkapatid na Sotto na walang bayarang trolls si Titosen na umaaway kay Anjo. Kaya naman, nagkasundo ang dalawang panig na mananahimik na si Anjo at hindi na magsasalita pa, bagama't sinabi niyang hindi raw siya naniniwalang wala.

Pinahahalagahan daw ni Anjo ang malalim na pinagsamahan nila ni Vic na tinatawag niyang Bossing.

SAGOT NI SP SOTTO KAY ANJO

Samantala, naireport din ng PEP ang kumalat na sagot ni Titosen patungkol sa isyu, nang makapanayam ng Senate press tungkol dito.

"Hindi ko pinapatulan. Huwag n'yong pansinin at nagpapapansin 'yan. Pati ba naman showbiz at paninira, papatulan natin? Itaas natin ang level ng Senate press," aniya raw.