Nilinaw ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi siya nag-apply bilang bagong kalihim ng Department of Justice (DOJ) kahit na nagsabi si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima na siya ang nakikita niyang pinakamahusay na kandidato sa pagka-SOJ.
Matatandaang nabakante ang posisyon nang maitalaga ang dating SOJ na si Jesus Crispin "Boying" Remulla bilang bagong Ombudsman.
Sa press briefing ni Castro nitong Martes, Nobyembre 4, pinakalma niya ang bashers niya at sinabing hindi siya nagsumite ng aplikasyon para sa nabanggit na posisyon.
"Maraming salamat sa pagkokonsidera sa akin pero hindi po talaga po tayo nag-aapply para maging SOJ," anang Castro.
"So siguro yung mga ayaw sa akin na maging SOJ ako eh, kalma lang, hindi po tayo nag-aapply para diyan," dagdag pa niya.
Sa kabilang banda ay nagpasalamat si Castro kay De Lima para sa magagandang mga salitang sinabi nito para sa kaniya.