Ang kamatayan ng mahal sa buhay ang isang pinakamalaking dagok na puwedeng dumating sa buhay ng tao.
Sabi nga, hindi naman daw talaga ang mga sumasakabilang-buhay ang totoong pumapanaw kundi ang mga naiwan nito sa mundong ibabaw.
Kaya hangga’t maaari, sinisikap ng nakikiramay na maging sensitibo ang paraan ng pakikisimpatya sa sinomang nawalan. Pinipiling mabuti ang tono ng pananalita o ang salitang bibitawan.
Sa industriya ng showbiz, hindi rin ligtas ang mga artista sa ganitong bagay. Maging sila ay nagkakamali. Mas malala nga ang nangyayari dahil sa kanila nakasentro ang mata ng publiko. Maraming nakakasaksi.
Kamakailan nga lang ay pinutakti ng ilang netizens ang hosts ng countdown vairety show ng GMA Network na “TictoClock” dahil sa tila insensitibo nilang pakikisimpatya kay trivia master Kuya Kim Atienza na namatayan ng sariling anak.
Matapos kasing magpaabot ng mensahe at pakikiramay, masiglang ipinakilala ng mga host ang pansamantalang rerelyebo kay Kuya Kim sa naiwan nitong trabaho sa show.
"Mga Tiktropa, mag-ingay para sa ating paboritong mars, Camille Prats!" anila.
Maki-Balita: Hindi sincere? TiktoClock hosts, sinita sa paraan ng pakikiramay kay Kuya Kim
Kung tutuusin, hindi na naman bago ang mga ganitong klaseng insidente.
Pero bakit nga ba nauulit pa rin madalas sa pagi-pagitan ng panahon?
Kaya para maiwasan ang ganitong pagkakamali sa nakaraan, binalikan ng Balita ang ilang sablay na paraan ng pakikisimpatya sa kasaysayan ng showbiz industry para sa posibleng aral na mapulot.
1. CRISTINE REYES
Ikinagulat ng "Meteor Garden" fans ang balitang pagpanaw ng aktres na si Barbie Hsu noong Pebrero.
Si Barbie ang gumanap bilang "San Cai" sa nabanggit na hit asian series.
Kaliwa’t kanang pakikiramay at pagpupugay ang inalay ng fans kay Barbie sa iba’t ibang social media platforms. Mula sa mga karaniwang tao hanggang sa mga celebrity na tulad ni Cristine Reyes.
Ngunit hindi nagustuhan ng maraming netizens ang mensaheng ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post kalakip ang picture nilang dalawa ni Barbie.
“Rest in peace our childhood favorite. [A]lso, happy 36th bday sa akin ngayon araw na 'to," saad ni Cristine sa caption.
MAKI-BALITA: Mixed emotions? Cristine kinuyog sa pa-RIP kay Barbie Hsu, self-b-day greeting
Binura rin naman niya ang post kalaunan matapos nitong mag-trending sa X. Pero hindi pa rin talaga siya nagpapigil at pinalagan pa ang kaniyang bashers.
Aniya sa isang Instagram story, “Kailangan palaging perfect. Bawal magkamali nowadays.. May kalupitan na kapalit sa mga bagay kapag nagkamali ka e, diba?"
Maki-Balita: Cristine pumalag sa kuyog ng 'dual purpose' post: 'Bawal magkamali nowadays!'
2. JESSY MENDIOLA
Sa kasagsagan ng pandemya, kumalat sa social media ang umano’y Instagram story ng aktres na si Jessy Mendiola kung saan makikitang nakasuot siya ng bikini kalakip ang mensahe patungkol sa isang celebrty na pumanaw.
“RIP Rico J. Puno,” saad sa caption.
Pinabulaanan naman ni Jessy ang nasabing larawan. Peke umano ito at walang katotohanan.
Sabi ni Jessy, “Guys. Tanga nalang maniniwala na I posted this.”
“Please refrain re-tweeting or reposting this EDITED pic. RESPETO naman sa sumakabilang buhay. Wag maniwala sa lahat ng nakikita online,” dugtong pa niya.
Matatandaang Oktubre 2018 pa nang pumanaw ang OPM icon na si Rico.
3. WILLIE REVILLAME
Noong Agosto 2009, kung kailan inihahatid sa huling hanntungan si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino, naghayag ng pagkadismaya ang TV host na si Willie Revillame.
Sa gitna kasi ng kanilang pagsasaya sa segment na “Willie of Fortune” ng noontime show nitong “Wowowee” ay ipinapalabas sa monitor ang video footage ng libing ng dating pangulo.
“Hindi siguro magandang tingnan ipinapakita n'yo 'yan nagsasaya kami. I don't think na dapat ipakita 'yan, honestly. Mahihirapan akong magsalita rito. Nagpapasaya ako, nakikita ko 'yong [libing] ni Tita Cory,” saad ni Willie.
Dagdag pa niya, “Sana pakitanggal na muna 'yan. Kasi kung ganyan, ipakita na lang natin 'yan. Kasi nagsasaya kami dito. Masakit sa akin 'yan. [...] Sana maintindihan n'yo.”
Dahil sa kaniyang sinabi, nakatanggap ng batikos si Willie mula sa publiko. Binuweltahan din siya ng National Press Club (NPC) dahil sa arogante niyang pahayag.
“Mr. Revillame should be reminded that without President Aquino, his show would not be of existence,” sabi ni NPC president Benny Antiporda. “The owners and management of the network owed everything to the late president.”
“Just as all journalists and entertainers owe Tita Cory the freedoms we now all enjoy,” dugtong pa niya.
Humingi naman ng paumanhin si Willie sa sumunod na episode ng Wowowee at iginiit na wala siyang masamang intensyon sa ginawa niya.
4. ANDREW E.
Sa pagpanaw ni master rapper Francis Magalona noong Marso 2009, nag-alay ng parangal sa “Eat Bulaga” ang mga artist at rapper para sa kaniya kabilang sina Gloc 9, Ron Henley, at Andrew E.
Kinanta nila sa episode na ito ng naturang noontime show ang “Lando” ni Gloc 9 kung saan kasama nito si Francis M.
Ngunit tila hindi nagustuhan ng maraming netizens ang pagpapaka-hype man ni Andrew E. sa eksena nang muling lumutang sa Facebook ang video clip nito noong 2016. Narito ang ilan sa mga komento:
"Nakakainis yung trip ni Andrew E."
"Dito lang ako nawalan ng respect kay Andrew e. Ibash nyu nako pero hindi nya ata dama yung kanta masaya pa ata sya kase wala na yung karibal nya lahat na iyak maliban sa kanyan"
"hyop n andrew e. neto akla mo nsa patupada"
"Sana si andrew e naman ang mag ka tibute hahaha"
"panira lang ng moment to si andrew eh.."
"Andrew e. Nagpapangit sa kanta ee .."
"Tanginang andrew e to binaboy amputa"
"Corny ni ni andrew taE parang di rapper "
Pumanaw si Francis M. sa edad na 44 dahil sa sakit na Acute myeloid leukemia.