Nasawi ang isang 52-anyos na barangay tanod mula sa Bohol matapos mabagsakan ng puno ng niyog sa kasagsagan ng bagong “Tino”, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Martes, Nobyembre 4.
Ang biktima ay mula sa Barangay Danao sa Panglao, Bohol.
Ayon sa panayam ng DZMM kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head Anthony Damalerio, nag-tree falling operations ang barangay tanod kasama ang kaniyang team, para sa kaligtasan ng mga mamamayan, nang bumagsak mismo sa kaniya ang puno.
“Nag-tree falling operations sila kasama ng team niya. ‘Yong kahoy na pinutol niya doon, bumagsak sa kaniya, natamaan siya. Nadulas kasi ‘yong tanod," paliwanag ni Damalerio.
Sinubukan din daw itong dalhin sa Gov. Celestino Gallares Medical Center ngunit idineklara nang “dead on arrival.”
Samantala, ayon sa NDRRMC, nasa 17,124 pamilya o 59,918 indibidwal ang lumikas mula sa Western Visayas (Region 6), Negros Island Region (NIR), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), at Caraga (Region 13).
9,170 pamilya rito o 32,286 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa 362 evacuation centers, habang 3,300 pamilya o 10, 641 indibidwal ang nananatili sa labas ng evacuation facilities na ito.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG), mayroong naitalang 4,372 mga pasahero, 1,674 rolling cargoes, 83 vessels, at isang motorbanca 120 ports ang na-stranded dahil sa bagyong “Tino.”
Habang 921 vessels at 593 motorbanca ang agad na naitalang nakalikas bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.
Bilang tugon, mas pinalawig pa ng Office of Civil Defense (OCD) Region VI ang mga relief operation sa Western Visayas, kung saan, mahigit 2,000 na bag ng bigas ang nai-turnover sa provincial govenrment ng Capiz, sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa national level, tiniyak naman ni OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na mayroon nang sapat na bilang ng social workers, medical teams, at search and rescue units mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), and Philippine Coast Guard (PCG) sa response clusters para magbigay ng agarang-tulong sa mga residente.
Sean Antonio/BALITA