January 04, 2026

Home BALITA

Pumalag sa Halloween costume! Sen. Kiko, pinayuhan Napolcom na unawain 'nagpapasuweldo' sa kanila

Pumalag sa Halloween costume! Sen. Kiko, pinayuhan Napolcom na unawain 'nagpapasuweldo' sa kanila
Photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB, Napolcom/FB


Pinayuhan ni Sen. Kiko Pangilinan ang National Police Commission (Napolcom) na intindihin na lamang ang sitwasyon at damdamin ng taumbayan, na aniya’y “nagpapasuweldo” sa kanila.

Kaugnay ito sa isyu ng isang lalaking nagsuot ng isang police attire upang dumalo sa isang Halloween party kamakailan.

“Ang payo ko sa [Napolcom] ay mas unawain ang sitwasyon at damdamin ng mga nagpapasweldo sa atin, ang taumbayan, na galit na galit sa lahat ng tiwali at kurakot sa gobyerno at kasama na riyan ang mga tiwali sa PNP, saad ni Sen. Kiko sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Nobyembre 2.

“Sa halip na ikagalit ito ng kapulisan at mauwi pa sa kasuhan mas mainam na unawa ang mangibabaw at hindi ang galit. Ika nga, kalma lang,” pagpapatuloy pa niya.

Ibinahagi rin ng mambabatas na maaaring ang naging aktong ito ay bahagi ng kaniyang “freedom of speech” at “expression.“

"Hindi man tayo sumasangayon din sa kilos nung ginawa niyang costume ang uniporme ng PNP, ay maaring kasama sa freedom of speech at expression ang kanyang ginawang kilos na maaring depensa sa kasong illegal use ng uniporme,” anang mambabatas.

Matatandaang inanunsyo ni Napolcom Vice Chair Ralph Calinisan sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Nobyembre 2, na sila ay naghain ng isang show-cause order sa naturang indibidwal.

“Mukhang Halloween Party pala ang pinuntahan nitong taong ito. Tomorrow, on behalf of all our policemen, I will issue a Show Cause Order against you and demand a public apology from you. If we do not hear from you, expect a case to be filed against you. Respect your men in uniform,” ani Calinisan sa post.

Nanindigan naman ang Philippine National Police (PNP) na ang pagsusuot ng police attire bilang costume ay tila kawalan umano ng respeto sa hanay ng mga pulisya.

"PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr called the act an outright disrespect to the honor of the entire police force," anila.

KAUGNAY NA BALITA: PNP, nagbabala sa mga nagsusuot ng ‘police uniform’ bilang costume-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA