Inamin ni Kapamilya Primetime King Coco Martin na mahirap daw talaga siyang katrabaho sa mga proyekto tulad ng teleserye.
Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila nitong Lunes, Nobyembre 3, sinabi ni Coco na may mga pagkakataong nagagalit daw talaga siya.
“Mahirap akong katrabaho. Minsan nagagalit ako talaga. Kahit sa creative meeting. Kasi tao ako, e. ‘Di naman ako nagpapakaartista. Sabi ko nga, nagsimula ako kontrabida sa mga unang teleserye ko,” saad ni Coco.
Dagdag pa niya, “Unang-una, bata ako. Kapag hindi ako nagpakita ng tapang, na seryoso ako sa ginagawa ko, sa dami ng mas may edad sa akin, at mga veteran actors, hindi ako rerespetuhin. Kailangan ipakita ko sa kanila kung ano ang nasa puso ko, kung ano ang nasa isip ko, at kung ano ako bilang tao.”
Pero nilinaw ni Coco na hindi naman minamasama ng mga kasamahan niyang artista ang ginagawa niya dahil alam pa rin niya ang limitasyon niya sa huli.
“Sumisigaw ako in a way na alam ko ‘yong posisyon ko, at alam ko ang dahilan kung bakit ko kailangang gawin ‘yon. Pero hindi naman ako sumisigaw para sigawan ang artista o ‘yong staff ipahiya sa mga tao,” anang aktor.
Matatandaang sa isang panayam kay Coco ng batikang broadcast-journalist na si Karmina Constantino ay nabanggit na rin niyang naghihigpit talaga siya sa set.
Aniya, “Ang ipinaparamdam ko kasi, ‘yong posisyon ko…para magkaroon ng respect. Kasi kapag naramdaman ng mga artista na artista ka pa rin, ‘yon lang din ang tingin nila sa ‘yo. [Pero] kapag nagsalita ka, rerespetuhin ka.”
Maki-Balita: Para hindi lapitan ng tusko: Coco, naghihigpit sa set