Nagbigay ng anunsyo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bibilisan na raw nila ang pagproseso ng mga kaso kaugnay sa mga sangkot sa flood-control anomalies batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa isinagawang press conference ni DPWH Sec. Vince Dizon, sinabi niyang maliwanag ang utos ng Pangulo na panagutin na ang “dapat” na managot sa nasabing anomalya ng mga ghost projects.
“Klaro ang direktiba ng ating Pangulo,” pagsisimula niya, “Ang sabi ng Pangulo natin, kailangang bilisan na natin ang pananagot ng mga dapat managot.”
“Kaya nga makikita ninyo ngayon, lahat ng mga ahensya from ICI, to the Department of Justice, the Ombudsman, NBI, SolGen [Office of the General], AMLC, everyone is all working together kasama ang DPWH[...]” dagdag pa ni Dizon.
Pagpapatuloy ni Dizon, hindi na raw magtatagal at “maaari” nang makulong ang mga naunang sangkot sa maanomalyang flood-control projects na isinampa nila sa Ombudsman simula noong Setyembre 13, 2025 at mga sumunod pa rito.
“Base na rin sa usapan namin ng ICI, ng Ombudsman, I think hindi na magtatagal at ‘yong unang kaso na ni-file natin no’ng September 13 ay malapit nang i-file. Dahil doon, makikita n’yo na ‘yong unang mga tao na makukulong na,” ani Dizon.
Pagbabahagi pa ni Dizon, may suspetsa raw siya na marami ang magpapasko sa kulungan dahil sa pagpapabilis nila ng proseso sa imbestigasyon sa nasabing anomalya.
“Tingin ko marami-rami ang magpapasko sa kulungan in the next few weeks and few months dahil nga nagmadali tayong mag-file ng kaso,” saad niya.
“To date, I think there are roughly four (4) cases already filed with the Ombudsman,” pagtatanda pa niya.
Paliwanag ni Dizon, ang mga sangkot mula sa ghost projects sa mga probinsya ng Bulacan, Mindoro, La Union, at Davao Occidental ang unang mananagot sa kanilang isinampang kaso.
“‘Yong Bulacan na unang ni-file natin na 26 na katao kasama ‘yong 20 taga-DPWH at anim na mga kontratista kasama ang mga Discaya, ang Wawao[...]”
“‘Yong kaso sa Mindoro involving former Congressman Zaldy Co at ‘yong kaniyang kompanyang Sunwest Corporation. At may kasama ding mga bagong DPWH personnel.”
“‘Yong kaso sa La Union involving Silverwolves Corporation na sinabi nga ni Mayor Benjie Magalong at sinabi rin ng ating Ombudsman na may link kay Congressman Eric Yap at iba pang opisyal ng DPWH.”
“At sa Davao Occidental na St. Timothy ng mga Discaya ulit ni ni-bid out noong 2021 at binayaran nang buo noong 2022[...]” pag-iisa-isa pa ni Dizon.
Anang DPWH Secretary, mahala raw na mapanagot na ang mga nasabing sangkot habang gumugulong pa ang kasong isinampa nila sa mga Korte.
“Talagang binibilisan natin ito ayon sa utos ng Pangulo na dapat managot at dapat makulong na itong mga dapat managot habang naka-file ang iba’t iba nilang mga kaso sa ating mga Korte,” ‘ika niya.
“Tingin ko nga, dahil mabilis umaksyon ang ating Ombudsman ay linggo na lang ang bibilangin natin at maii-file itong mga kasong ito,” pagtatapos pa ni Dizon.
Samantala, tiniyak rin ni Dizon sa nasabing press conference na mas marami pa raw maidaragdag na mga indibidwal habang patuloy nilang isasagawa ang pag-iimbestiga sa iba pang mga ghost projects na kanilang matutuklasan sa bansa.
Mc Vincent Mirabuna/Balita