Naniniwala raw si dating director ng National Bureau of Investigation (NBI) Jaime Santiago na kaya ng bagong officer-in-charge (OIC) ng ahensya na si Atty. Angelito Magno ang trabaho nito, lalo na ang pag-iimbestiga sa korapsyong lumalaganap sa bansa.
“I believe that Lito, the new director is competent, capable, can do the job. Sabi ko sa kaniya, ‘yong tiwala ng tao, uhaw ang tao na makita na may mananagot sa mga isiniwalat ng ating Pangulo na korapsyon,” ani Santiago sa panayam ng DZMM Teleradyo nitong Lunes, Nobyembre 3.
Inilahad niya rin sa bagong talagang NBI-OIC na pagiging obhetibo at ang kahalagahan nito.
“Sabi ko sa kaniya, always be objective—huwag tayong subjective. ‘Pag ka objective ka, you may be unpopular, pero tama ka. You may sound ungrateful, pero tama ka,” saad niya.
Nang matanong hinggil sa gustong posisyon sa gobyerno kung papipiliin man, nanindigan si Santiago na siya ay magpapahinga raw muna.
“Matanda na ako e, siguro pahinga. Pahinga muna. Private life, business. Mayroon kaming business na maliit e,” aniya.
Matatandaang nanumpa bilang bagong OIC ng NBI si Atty. Angelito Magno noong Oktubre 29 matapos tanggapin ng Palasyo ang irrevocable resignation ni Santiago.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Angelito Magno, nanumpa na bilang bagong OIC ng NBI-Balita
KAUGNAY NA BALITA: NBI director Jaime Santiago, kinumpirma pagtanggap ng Palasyo sa kaniyang irrevocable resignation-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA