Matagumpay na nakuha ng 34-anyos mula sa Bansud, Mindoro Oriental at binansagan bilang “The Silent Killer” na si Jonas Magpantay ang tropeyo sa ginanap na Qatar 10-ball Billiard World Cup 2025.
Ayon sa ibinahaging post ng Qatar Billiards & Snooker Federation sa kanilang Facebook page noong Linggo, Nobyembre 2, makikita ang pagbibigay ng premyo kay Magpantay sa nasabing torneo ng cash prize na US$100,000.
Photo courtesy: Qatar Billiards & Snooker Federation (FB)
Nakaharap ni Magpantay sa championship ng Qatar 10-ball Billiard World Cup ang kasalukuyang rank 99 ng World Nineball Tour (WNT) na si Szymon Kural mula sa Poland.
Hindi rin naging madali ang palitan ng mga budlit ng dalawang kupunan sa championship na ginanap sa Ezdan Palace Hotel sa Doha, Qatar noon ding Linggo.
Naging pantay sa 2-2 ang simula ng kanilang laban ngunit tumuloy-tuloy ang pagpabor ng pocketing ni Magpantay dahilan para maunahan niya sa score na 6-2 si Kural.
Ngunit hindi naman agad nagpasilat si Kural sa momentum ni Magpantay, napaliit pa niya ang kalamangan ng Pinoy na tirador sa score na 8-6.
Matapos idikit ni Kural ang pagkapako sa 2 para makamit ang score na 6, hindi ito pinayagan ni Magpantay at tinambakan niya pambato ng Poland sa score na 11-6.
Sa kabila ng nalalapit na panalo ni Magpantay, nagawa pang makasilat ni Kural ng tatlong panalo dahilan para mauwi ang score nila sa 11-9 na pabor pa rin sa Pinoy na tirador.
Ngunit sa huli, tuluyan nang naharang ni Magpantay si Kural sa score na 13-9, dahilan para itanghal siyang kampeon sa kanilang race to 13 na laban.
Samantala, wala pa naman inilalabas napahayag si Magpantay sa kaniyang social media accounts kaugnay sa naipanalo niyang Qatar World Cup tournament.
Mc Vincent Mirabuna/Balita