Nagpaabot ng kaniyang pagkamangha ang World Champ at kasalukuyan ngayong rank no. 4 sa World Nineball Tour (WNT) na si Johann “Bad Koi” Chua sa pagiging kampeon ng kapuwa niya Pinoy na si Jonas Magpantay sa Qatar.
Ayon sa ibinahaging pahayag ni Chua sa kaniyang Facebook noong Linggo, Nobyembre 2, sinabi niyang tinawagan daw niya si Magpantay upang ibalita na pasok sa sa main stage ng Qatar 10-ball Billiard World Cup 2025 dahil sa point system.
“October 27, 4:11 pm Doha time, tinatawagan ko si Jonas Magpantay kasi sabi ng organizers sakin makakapasok siya sa Main stage via points system and the rest is history!” pagsisimula niya.
Photo courtesy: Johann Chua (FB)
Ibinahagi rin ni Chua na nangyari na rin daw ang ganoong tagpo noong magkampeon din si Champ Ronnie Alcano sa World Pool Championship sa noong 2006.
“‘Yong huling nakagawa ng ganyan is si Champ Ronnie Alcano noong 2006 World Pool Championship sa Manila,” saad niya.
“[H]indi rin siya pumasok sa qualifying round at umuwi na si Ronnie ng Laguna. Nasa bus na siya no’ng tinawagan siya na bumalik siya at makakapasok siya sa Main stage via points system din then boom!” pagkukuwento pa ni Chua.
Ani Chua, nakakalibot daw ang mga ganoong tagpo sa mundo ng bilyar dahil hindi nila alam ang kanilang kapalaran sa bawat kompetisyon.
“Grabe! Nakakakilabot!” ‘ika ni Chua.
“Isang patunay ito para saming lahat na bilyarista na ang kapalaran natin ay hindi mo masasabi ang importante sumali tayo ng tournament then si God na ang bahala,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang matagumpay na nakuha ng binansagan bilang “The Silent Killer” na si Magpantay ang tropeyo sa ginanap na Qatar 10-ball Billiard World Cup 2025 noong Linggo, Nobyembre 2, 2025.
MAKI-BALITA: Jonas Magpantay, kampeon sa Qatar 10-ball Billiard WC 2025!
Ayon sa ibinahaging post ng Qatar Billiards & Snooker Federation sa kanilang Facebook page noon ding Linggo, makikita ang pagbibigay nila ng premyo kay Magpantay ng cash prize na US$100,000.
Nakaharap ni Magpantay sa championship ng Qatar 10-ball Billiard World Cup ang kasalukuyang rank 99 ng World Nineball Tour (WNT) na si Szymon Kural mula sa Poland.
Samantala, wala pa naman inilalabas napahayag si Magpantay sa kaniyang social media accounts kaugnay sa naipanalo niyang Qatar World Cup tournament.
Mc Vincent Mirabuna/Balita