Kung may Chinatown sa Binondo at Korea Town sa Malate ay magkakaroon naman ng Halal Town sa Quiapo.
Ayon sa Manila City Government, ito ay isang makasaysayang proyekto na naglalayong itaguyod ang kultura, kabuhayan, at pagkakaisa ng Muslim community sa Lungsod ng Maynila.
Nitong Lunes, Nobyembre 3, ay nagpulong sina Mayor Isko Moreno Domagoso, Vice Mayor Chi Atienza, at Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman hinggil sa proyekto, na personal nilang binisita at ininspeksiyon.
Tinalakay rin nila sa pulong ang planong rehabilitasyon sa Golden Mosque Complex sa Quiapo, na inihahanda para sa nalalapit na hosting ng Pilipinas sa ASEAN Summit sa susunod na taon.
Sa naturang pulong, pinuri ni Pangandaman ang konsepto ng pagkakaroon ng Halal Town at tiniyak ang kahandaan ng kanilang ahensiya upang tumulong, lalo na ngayong inihahanda rin aniya ng national government ang major rehabilitation work sa Golden Mosque, na popondohan ng UAE government.
“When I saw your project on TV, the Halal Town and taking care of our Muslim brothers and sisters in Manila, I was so happy and excited,” ayon kay Pangandaman.
“Insha’Allah, we are happy that the UAE government is going to provide us funding para mapaganda yung Golden Mosque Complex,” aniya pa.
Ani Pangandaman, ang restoration initiative ay kasunod ng naunang instruksiyon ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos na i-upgrade ang makasaysayang lugar na orihinal na itinayo noong panahon ng panunungkulan ni dating Pang. Ferdinand Marcos Sr..
Sa kaniyang panig, laking pasalamat naman ni Domagoso sa DBM at sa national government dahil sa suporta nito sa proyekto.
Ayon kay Domagoso, ang Halal Town initiative ng lokal na pamahalaan ay isang local livelihood program at national economic opportunity.
“I was very excited to present our small effort in aligning the city’s goals with the national government — especially as we are hosting the ASEAN,” anang alkalde.
Ibinahagi pa ni Domagoso na una na rin nilang ipinadala si Atienza sa Malaysia upang pag-aralan ang best practices sa halal trade at urban management, matapos na matalakay ito sa Malaysian envoy at business leaders.
“They said it’s a billion-dollar industry,” ani Domagoso. “Kailangan lang nating pinuhin para mas maganda, mas maayos, mas malinis, mas ligtas, at mas payapa ang paghahanapbuhay sa Maynila.”
Ipinaliwanag rin ng alkalde na ang Quiapo ay kumakatawan sa cultural duality ng Maynila at layunin ng Halal Town project na palakasin ang peaceful coexistence sa pagitan ng mga komunidad.
“Subconsciously alam natin: Quiapo is Muslim, and Quiapo is Nazareno. Dalawang alam natin sa Quiapo,” ani Domagoso.
“We’re very happy to have a community where Christians and Muslims live together, grow up together, and do business together, in harmony and in a peaceful manner,” aniya pa.