Nagkasundong magsanib-puwersa ang mga ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Space Agency (PHilSA) upang mas paigtingin ang paraan ng pagbabantay sa mga proyektong isasagawa ng DPWH.
Ayon sa naging signing ceremony ng nasabing ahensya nitong Lunes, Nobyembre 3, binigyang-diin ni DPWH Sec. Vince Dizon ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan nila sa PHilSa.
Ani Dizon, kawalan raw ng maayos na pagbabantay sa nakaraang mga proyekto ng DPWH ang isa sa mga mabigat na nadiskubre nilang problema sa nasabing ahensya.
“Napaka-importante nito. Isa sa mga mabibigat na nadiskubre nating problema dito sa DPWH ay ‘yong maayos na pagmo-monitor ng mga proyekto,” pagsisimula ni Dizon.
Pagpapatuloy pa ni Dizon, iyon umano marahil ang naging dahilan kung bakit nakalusot ang kontrobersyal na maanomalyang “ghost projects.”
“Kaya naman nakalusot itong mga ghost projects at itong mga napakalantarang panlilinlang o panloloko sa taumbayan ay dahil hindi namo-monitor nang maigi at epektibo ang mga proyekto,” paliwanag niya.
“Hopefully ang teknolohiya na dinadala ng PHilSA para ma-monitor natin nang maigi ang mga proyekto,” pagtatapos pa ni Dizon.
Samantala, ayon naman sa naging pahayag ni PHilSA Officer in Charge Gay Jane Perez, sinabi niyang gagamit daw sila ng satellites upang tutukan nang husto ang mga susunod na proyekto ng DPWH.
“Ang unique data po na binibigay natin dito ay ‘yong mga imahe kuha ng mga satellites natin,” anang PHilSA OIC, “Sa pamamagitan nito, we can quantify at makikita natin na walang biases ‘yong mga nasa on the ground na ating mga proyekto.”
Dagdag pa niya, mas magiging madalas din umano ang kanilang magiging pagbabantay sa mga susunod na proyekto ng nasabing ahensya dahil na rin sa satellite imagery at space enabled information na maibibigay nila.
“With satellite imagery and space enabled information, madalas o frequent din ‘yong ating pag-monitor,” saad niya.
“So loob ng isang taon o sa life cycle ng ating proyekto puwede natin itong makita nang maraming beses. Simula noong kino-conceptualize pa lang sa start ng projects, habang ginagawa ito, at hanggang makumpleto ‘yong proyekto,” paglilinaw pa ni Perez.
Mc Vincent Mirabuna/Balita