Lumobo na sa 24.8 milyon ang bilang ng “functional illiteracy” sa bansa, ayon sa tala ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Ayon sa EDCOM 2, ang “functionally illiterate” ay tumutukoy sa mga taong marunong magbasa at magsulat ngunit hindi nakakaintindi.
Ang bilang na ito ay dumoble mula 14.5 milyon noong 1993 hanggang 24.8 milyon sa taong 2024.
“EDCOM 2 raised the issue as it expressed concern that one of the reasons was the involvement of the Department of Education in at least 261 interagency bodies, which has diverted DepEd from its principal mandate of providing basic education,” saad ng komisyon sa kanilang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 3.
Binanggit din ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara na nakaapekto rin ang pagdami ng “non-teaching work” ng mga guro sa mga paaralan, kung kaya’t nahahati ang kanilang atensyon sa pagtuturo.
Ibinahagi niya na plano ng ahensya na kumuha ng karagdagang administrative personnel para matulungan ang mga guro sa kanilang “non-teaching work.”
Bukod pa sa tala ng mga “functionally illiterate” sa bansa, nasa higit 6 na milyon naman ang “basically illiterate” o hindi marunong magbasa, magsulat, o umintindi.
Sa kaugnay na ulat, ayon sa kamakailang pag-aaral ng EDCOM 2 na pinamagatang, “Investigating the State of Graduate Education in the Philippines: Challenges, Opportunities, and Policy Implications,” lumabas na sa mga kasalukuyang programa ng gobyerno, partikular sa DepEd, nagkakaroon “diploma-for-promotion” cycle.
Ito ay posible raw na nagtutulak sa mga guro at manggagawa na magkaroon ng career advancement kaysa academic excellence o professional growth.
Kaya bilang solusyon, nanawagan ang EDCOM 2 sa Commission on Higher Education (CHED) para mas istriktong quality control sa mga graduate program ng teacher education at public administration para maiwasan ang “diploma-mills system” o paggamit ng diploma para lamang sa promotion.
Sean Antonio/BALITA