Itinaas ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang “heightened alert status” sa kanilang area centers at airports bilang paghahanda sa pagdaan ng bagyong “Tino” sa bansa nitong Lunes, Nobyembre 3.
Inatasan ni CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario ang lahat ng Area Center Managers at Airport Managers sa mga rehiyon na posibleng masalanta ng bagyo at tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad sa mga airport, maging ang mga kagamitan at personnel dito.
Sa ilalim rin ng direktibang ito, iniutos sa mga airport ang implementasyon ng passenger assistance measure at ang pagbibigay ng pansamantalang accommodation, pagkain, at essential supplies, sa mga stranded na pasahero.
Nandito rin ang pagpapakalat ng Malasakit Help Desks para sa agarang-tulong sa mga pasahero.
“CAAP is closely monitoring Typhoon Tino’s movement and potential impact on aviation operations. We are ensuring that all necessary precautions are in place to safeguard lives and maintain operational readiness across all airports,” pagtitiyak ni Lt. Gen. Del Rosario.
Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang CAAP sa mga airline operator at mga naatasang otoridad dito para sa ligtas na pagbyahe ng publiko, habang patuloy na mino-monitor ang sitwasyon ng panahon.
Sa kaugnay na ulat, ayon sa 2:00 PM weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataas ang bagyo sa layong 235 kilometro sa East Southeast ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay rin nito ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometers per hour (kph), at pagbugsong 150 kph, at kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25 kph.
KAUGNAY NA BALITA: Wind signal no. 4, itinaas na dahil sa Bagyong 'Tino'
Sean Antonio/BALITA