December 20, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Imortal nga ba ang mga jellyfish?

ALAMIN: Imortal nga ba ang mga jellyfish?
Photo courtesy: Pexels


Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang “jellyfish” o dikya ay isang “aquatic animal,” o hayop na nabubuhay sa katubigan. Tila pamilyar din ang karamihan sa ilan nitong mga katangian tulad ng pagkakaroon nito ng “transparent body,” kawalan ng puso at utak, kasama na ang panganib na dala ng “sting” nito.

Ngunit may isang katangian umano ang dikya na tila hindi kapani-paniwala, ito raw ay imortal. Hindi nga ba talaga namamatay ang mga dikya? Ano ang katotohanan sa likod ng impormasyong ito?

Paano nabubuo ang isang dikya?

Ayon sa pag-aaral ni Osterloff ng National History Museum, tulad ng ilang mga hayop, nagsisimula ang buhay ng isang dikya mula sa isang “sperm cell” at “egg cell,” na siyang iiwan sa katubigan hanggang sa ma-fertilized.

Matapos ang proseso ng fertilization, ang pinagsamang egg at sperm ay magiging larva. Kapag ito ay larva na, susunod ito sa agos at “current” ng tubig, hanggang sa makahanap ito ng isang matigas na espasyo, at doon na iyon lalaki.

Trending

KILALANIN: Si dating DPWH Usec. Catalina Cabral



Sa paglipas ng panahon, ang larva ay magiging polyps, at lalaki pang muli hanggang sa ito ay maging “medusa,” o adult jellyfish.

Katotohanan sa likod ng “immortality” ng mga dikya

Isiniwalat ng ilang pag-aaral na hindi totoo na imortal ang lahat ng mga dikya, ngunit tila hindi ito totoo sa isang species ng naturang hayop.

Ang Turritopsis dohrnii ay isang species ng dikya na may dimesyong 4.5 milimetrong lapad at haba. Sa sukat na ito, mas maliit pa sila sa kuko ng darili ng isang tao.

Tila imortal ang uri ng jellyfish na ito sapagkat nababaligtad nito ang sarili nitong “life cycle.”

Kapag ang “medusa stage” nito ay nagsimulang manghina at masira, hindi ito namamatay agad, bagkus pinaliliit nito ang sarili, at mawawalan ito ng kakayahang lumangoy sapagkat pumapaloob sa katawan nito ang kaniyang “tentacles.”

Matapos nito, hahayaan nito ang sarili na lumubog papunta sa seafloor, hanggang doon na muna manatili.

Sa paglipas ng isa hanggang isa’t kalahating araw, mabubuo rito ang isang bagong polyp, hanggang sa magmature itong muli papunta sa kaniyang “medusa stage.”

Ayon sa pag-aaral, ito ay tinatawag na “transdifferentiation,” at lubhang madalang na makita ang ganitong katangian sa mga hayop.

Sa perpektong kondisyon, ang uri ng dikyang ito ay maaari ngang hindi mamamatay, kahit pa sa katandaan; ngunit kahit may ganitong katangian ang mga Turritopsis dohrnii, kalat pa rin sa katubigan at kapaligirian ang panganib na maaari nilang harapin.

Ang species ng dikyang ito kasi ay isang “prey” para sa ilang mas malalaking hayop tulad ng isda at pagong. Maaari din silang lantakan ng mga “sea slugs” at “crustaceans,” lalo kung sila ay nasa “polyp stage” pa lamang.

Samakatuwid, ang “transdifferentiation” sa Turritopsis dohrnii ay isa lamang na espesyal na proseso ng kanilang uri, ngunit hindi ito nangangahulugang sila ay literal na imortal.

Vincent Gutierrez/BALITA