Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang 80 taong gulang na babae matapos siyang maiwan ng isang tourist cruise sa isang isla.
Ayon sa ulat ng AP News, kinilala ang biktima na si Suzanne Rees na kabilang sa mga pasahero noon ng Coral Adventurer cruise ship na noo'y nag-iikot sa iba't ibang bahagi ng Australia.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumaong ang barko sa Lizard Island kung saan kabilang ang biktima sa mga bumaba sa barko upang mag-hiking.
Makalipas ang ilang sandali, napag-alamang sumama umano ang pakiramdam ni Suzanne kung kaya't inabisuhan daw siya na bumalik na lamang sa cruise ship-nang walang kasama.
Ilang oras ang lumipas nang muling maglayag ang nasabing cruise ship at sinasabing wala umanong nakapansing crew na nawawala na raw ang isa sa kanilang mga pasahero.
Tinatayang inabot umano ng 5 oras bago bumalik ang crew ship sa naturang isla sa pag-asang mahahanap pa nila ang biktima ngunit bigo silang mahanap ito.
Samantala, sa hiwalay na ulat ng isang Australian newspaper inabot pa raw ng isang araw bago nahanap ang katawan ng biktima sa tulong ng search helicopter kung saan posible umanong nahulog ang biktima mula sa hiking trail na may lalim na 50 metro.
Pansamantala nang suspendido ang biyahe ng naturang cruise ship. Nangako rin ang pamunuan ng Corap Expeditions na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima.