Nag-alay ng mga kandila, panalangin, at pasasalamat ang Philippine National Police (PNP) sa mga yumaong pulis bilang pagbibigay-pugay sa kanilang naging serbisyo sa bayan.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas patatagin ang kultura ng dangal, malasakit, at serbisyo sa paglulunsad ng Bagong Pilipinas, inilunsad ng PNP ang “Project Pagalala sa Kasamahang Pulis.”
Ito ay isang Undas tribute na inisyatiba ng Police Regional Office 1 para sa mga yumaong pulis, sa tungkulin man o sa mahabang taon ng paglilingkod.
Sa ilalim nito ay inatasan ng Station Commanders sa Police Regional Office 1 (PRO1) na bisitahin ang mga puntod ng mga namayapang pulis sa kani-kanilang nasasakupan mula Nobyembre 1 hanggang 2.
“Sa PNP, walang bayani ang nakakalimutan. Tapos man ang kanilang tour of duty, hindi natatapos ang legasiya ng kanilang serbisyo. Patuloy nating pinaparamdam sa kanila at sa kanilang pamilya na hindi sila iniwan ng organisasyon,” pagbibigay-pugay ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Sinegundahan naman ito ni PNP spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño, at sinabing ang tunay na diwa ng inisyatiba ay pag-alala sa mga kuwento ng pagsasakripisyo sa likod ng badge ng mga yumaong pulis.
“Sa bawat suot nating badge ay magpapatuloy ang kanilang kwento. Ang Project Pagalala ay hindi lamang simpleng pag-alala—ito ay paninindigan na ang sakripisyo nila ay may kabuluhan at hindi kaylanman malilimutan,” aniya.
Ayon din sa PNP, ang inisyatibang ito ay parte rin ng kanilang pinalakas na police presence sa mga sementeryo at memorial parks sa Undas.
Sean Antonio/BALITA