Itinaas bilang severe tropical storm ang bagyong #TinoPH nitong Linggo ng 5:00 ng hapon, Nobyembre 2, batay sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Matatandaang bandang 11:00 AM, tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo, na unang bagyo ngayong Nobyembre at ika-20 naman sa buong 2025.
Batay sa ahensya, umabot na sa 95 kilometro kada oras ang lakas ng hangin, malapit sa gitna ng bagyo, at may bugso hanggang 115 kph, habang kumikilos na pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kph. Huling namonitor ang mata ng bago sa layong 805 km, sa silangan ng Eastern Visayas.
Ayon sa PAGASA, maituturing na severe tropical storm ang isang bagyo kapag nasa pagitan ng 87 hanggang 117 km kada oras ang lakas nito. Kaya naman, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte at Camotes Islands sa Visayas; gayundin sa Dinagat Islands at Surigao del Norte sa Mindanao.