January 26, 2026

Home BALITA

Pilipinas, mangunguna sa may pinakamaraming bilang ng 'Gen Alpha' pagpatak ng 2030—BMI

Pilipinas, mangunguna sa may pinakamaraming bilang ng 'Gen Alpha' pagpatak ng 2030—BMI

Inaasahang magkakaroon ang Pilipinas ng pinakamalaking porsiyento ng mga Gen Alpha sa mga pangunahing Asian economies pagsapit ng 2030, ayon sa research at analysis firm na BMI.

Sa ulat ng BMI, isang yunit ng Fitch Solutions, sinabi nitong mananatiling may pinakamalaking populasyon ng Gen Alpha ang Asya sa mga darating na taon dahil sa malaki na nitong populasyon.

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang 935.7 milyong Gen Alpha o halos 50% ng kabuuang populasyon ng Gen Alpha sa buong mundo ang matatagpuan sa Asya pagsapit ng 2030.

Ang Gen Alpha ay tumutukoy sa mga ipinanganak mula 2010 hanggang 2024. Ayon sa BMI, sa loob ng Asya, ang Pilipinas ang magkakaroon ng pinakamataas na bahagi ng Gen Alpha, na bubuo ng 27% ng kabuuang populasyon ng bansa sa 2030.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Susundan ito ng Malaysia at Vietnam, kung saan inaasahang 21% ng kanilang populasyon ay kabilang sa Gen Alpha.

Sa kabilang banda, ang Japan at South Korea naman ang magkakaroon ng pinakamaliit na porsiyento ng Gen Alpha consumers — 12% at 11%, ayon sa pagkakasunod — dahil sa tumatandang populasyon at mababang antas ng kapanganakan.

Itinuturing ang mga kabilang sa Gen Alpha bilang digital natives, dahil ipinanganak sila sa panahon ng mataas na antas ng digitalisasyon at maagang na-expose sa teknolohiya.

Habang unti-unting nagiging bahagi ng merkado ang henerasyong ito, sinabi ng BMI na ang mga trend ng consumer market ay inaasahang susunod sa mga kagustuhan at interes ng Gen Alpha.

Sa kasalukuyan, bumubuo ang Gen Alpha ng 24% o dalawang bilyon ng kabuuang populasyon ng mundo na nasa humigit-kumulang 8.3 bilyon.

Ayon pa sa BMI, mananatili sa antas na dalawang bilyon ang populasyon ng Gen Alpha hanggang 2050, kasabay ng pagdami ng iba pang mga henerasyon tulad ng Generation Beta (2025–2039) at Generation Gamma (2040–2054).