Patuloy ang paghahanda ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa nakatakdang protesta sa Nobyembre 30 upang maiwasan ang pag-uulit ng kaguluhan na naganap noong Setyembre 21 sa Maynila, ayon kay Police Major Hazel Asilo, hepe ng public information office ng NCRPO, nitong Linggo, Nobyembre 2, 2025.
“Kami ay nakahanda na at patuloy na naghahanda para sa November 30 na Trillion Peso March,” ani Asilo sa panayam sa DZBB .
Dagdag pa niya, “Ngayon, mas pinaigting natin ‘yong monitoring lalo ‘yong pagbabantay sa social media dahil doon natin nakita na nahihikayat yung kabataan.”
Ayon sa ulat, 216 katao, kabilang ang 89 na menor de edad, ang inaresto matapos sumiklab ang karahasan sa gitna ng protesta laban sa umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control noong Setyembre 21.
Ang Trillion Peso March na gaganapin sa Nobyembre 30 sa buong bansa ay inorganisa ng ilang sektor upang manawagan ng pananagutan, pagbabalik ng nakaw na pondo ng bayan, at ganap na transparency sa pamahalaan.