December 15, 2025

Home BALITA National

‘Nakakaalarma?’ Pagturing ng mga Pilipino sa sarili bilang mahirap, iniimpluwensyahan ng inflation rate—SWS

‘Nakakaalarma?’ Pagturing ng mga Pilipino sa sarili bilang mahirap, iniimpluwensyahan ng inflation rate—SWS
Photo courtesy: MB


Isiniwalat ng Social Weather Station (SWS) na nakakaapekto ang inflation rate, o ang pagbaba at pagtaas ng presyo ng bilihin sa pagturing ng mga Pilipino sa kanilang sarili bilang mahihirap.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo sa Director for Communications and Information Technology ng SWS na si Leo Laroza nitong Linggo, Nobyembre 2, inilahad niyang nakakaalarma umano ang isinasaad ng datos na aabot sa halos 14.2 milyong pamilya ang nagsasabing sila ay mahirap.

“Noong April, first part of April, even lower compared noon sa December 2024, na pumalo ng 63%, that was the, parang, medyo bad ‘yong panahon na ‘yon, pumalo nang napakataas ‘yong inflation rate noong time na iyon,” panimula ni Laroza.

“So itong 50%, it’s lower compared to last year, but it’s still higher if you consider na noong pre-pandemic, e nasa 38% na ‘to, mas mababa na ‘to noon pa. It’s something to be concerned about na half ng Filipinos ay nagsasabing sila ay mahirap. So bale ito pong 50%, this is estimated 14.2 million households,” dagdag pa niya.

Nang matanong kung bakit nananatili sa 50% ang inilalabas na resulta ng nasabing sarbey, nilinaw ni Laroza na reactive kasi umano ang kanilang mga tanong sa paggalaw ng presyo ng bilihin.

“Wala kaming kumbaga, wala kaming follow-up question to ask the respondents kung bakit sinasabi na sila’y mahirap, subalit tinitingnan na lang namin ito sa iba pang mga datos tulad ng hunger for example, at ‘yong mga iba pang factors like for example, usually kasi ang question namin dito sa self-rated poverty, napaka-reactive nito sa pagtaas at pagbaba ng mga presyo ng basic commodities or ‘yong mga bilihin,” ani Laroza.

“Dito nga nakita natin na ‘yong for example, nakita naming pagpalo to mahigit 60% noong end of 2024 was due to ‘yong pagpalo din ng inflation rate noong panahon na ‘yon. So we see not it has maintained dahil bumaba ang inflation rate noong July—so at ngayon ay nag-unti-unti na namang tumataas as of September, nasa 1.7 na ulit,” dagdag pa niya.

“It’s a reaction, although na-maintain na ganito ‘yong percentage of self-rated poor households, we hope to see na mas mababa pa siya, but that will happen if example, mapanatiling mababa ‘yong inflation rate,” pagtatapos niya.

Matatandaang kamakailan, 35% ng mga Pilipino ang nagsabing guminhawa raw ang kanilang pamumuhay, ayon sa resultang inilabas ng SWS.

KAUGNAY NA BALITA: 35% ng mga Pinoy, guminhawa raw ang buhay sa nagdaang taon — SWS-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA