Inamin ni dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate Shuvee Etrata na benepisyaryo siya ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ang 4Ps o Republic Act 11310 ay pambansang estratehiya ng gobyerno upang masugpo ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash transfer sa mahihirap na sambahayan hanggang pitong taon upang mapabuti ang kondisyon ng buhay ng mga miyembro nito.
Sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila kamakailan, sinabi ni Shuvee ang kalagayan ng pamilya niya noon bago siya makapasok sa showbiz industry.
“Isa ako sa mga pinapakain ng gobyerno. 4Ps. As in talagang isa ako sa mga binabayaran ng gobyerno. Kasi nga, walang trabaho ‘yong parents ko. Tapos marami na po kaming magkakapatid,” lahad ni Shuvee.
Dagdag pa ng dating PBB housemate, “Naranasan ko ‘yong pagbigayan na, bili na kami ng de lata. Mag-grocery na agad kami.”
Pero ang pangungutang daw ang pinakamahirap sa lahat ng naranasan ni Shuvee.
“Hindi makautang ‘yong parents ko. Ako ang pinapapunta nila,” aniya.
Sa siyam na magkakapatid, si Shuvee ang pinakamatanda sa kanilang lahat. Kaya naman bilang panganay ramdam niya ang bagaheng kaakibat nito.