Inalala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong All Souls’ Day ang buhay na mga nasawi bunsod ng nagdaang mga kalamidad sa bansa.
Ibinahagi ng DSWD sa kanilang Facebook post nitong Linggo, Nobyembre 2, ang kanilang paggunita sa alaala ng mga kababayang pumanaw dahil sa mga sakuna, at ang kanilang panawagan na sila ay isama sa mga panalangin.
“Ngayong All Souls’ Day, ating gunitain ang alaala ng mga kababayan nating nasawi sa mga kalamidad na tumama sa bansa at isama natin sila sa ating panalangin. Ang kanilang mga kwento ay mananatiling buhay sa puso ng bawat Pilipino at ng kanilang mga mahal sa buhay,” panimula ng DSWD.
“Patuloy ang DSWD sa pagdamay, pagkalinga at pagbibigay ng pag-asa sa mga pamilyang naulila at pero patuloy na bumabangon mula sa trahedya,” saad pa nito.
Sa parehong Facebook post, inilahad ng ahensya sa nakalakip na video ang karagdagan nilang mensahe para sa mga naulilang pamilya ng mga nasawi.
“Ating gunitain ang alaala ng mga kababayang nasawi sa mga kalamidad na tumama sa ating bansa—mga buhay na naging simbolo ng tapang at pagmamahal. Ipinapaabot ng DSWD ang pagdamay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at patuloy na humaharap sa matinding pagsubok. Bawat buhay na nawala ay may kuwento ng sakripisyo at pag-asa na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa mga naiwan,” anila.
“Sa gitna ng pagdadalamhati, lalong tumitibay ang pagkakaisa at malasakit ng komunidad na kaagapay ng bawat pamilya sa pagbangon. Sa bawat sakuna, natututo tayong magdamayan, magbigay ng kalinga, at maghatid ng bagong pag-asa sa isa’t isa,” dagdag pa nila.
“Hangad ng DSWD na patuloy na maging katuwang ng bawat pamilyang Pilipino sa kanilang pagbangon mula sa mga sakuna. Dahil sa DSWD, bawat buhay ay mahalaga,” pagtatapos ng DSWD.
Matatandaang iniulat ang pagkasawi ng ilang mga Pilipino dulot ng mga nagdaang bagyo, pagbaha, at paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Mga namatay sa mga paglindol sa Davao Oriental, umabot na sa 9 na katao!–OCD-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA