Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Linggo, Nobyembre 2, 2025, sa posibilidad ng Distributed Denial of Service (DDoS) o isang uri ng cyberattack na maaaring mangyari sa Miyerkules, Nobyembre 5, 2025.
Sa isang post sa social media, sinabi ng DICT na babantayan nito ang posibleng DDoS o “traffic flood”, kung saan maraming device ang sabay-sabay na umaatake sa isang sistema, server, o network upang pabagalin, paandarin nang hindi maayos, o tuluyang hindi mapagamit.
“Dahil dito, pwedeng bumagal o hindi agad mag-load ang ilang websites o apps. Pero kalma lang dahil hindi ito data breach. Walang mananakaw na personal accounts, data or pera,” anang DICT.
Hinimok ng DICT ang mga netizen na gawin ang mga sumusunod:
Subukang muli ang website o app makalipas ang ilang sandali.
Gamitin lamang ang opisyal na app o status page.
Sundin ang mga beripikadong update.
Iwasang makisangkot sa mga ilegal na online attack.
Maaaring mag-ulat ng mga insidente sa [email protected] o tumawag sa hotline 1326.
Sa ilalim ng Oplan Cyberdome, sinabi ng DICT na nakikipag-ugnayan ito sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Telecommunications Commission (NTC), mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas, at iba pang stakeholders upang tugunan at maprotektahan ang mga online platform.
Ayon pa sa DICT, ang National Computer Emergency Response Team nito ay aktibong nagbabantay 24/7 upang matiyak ang ligtas na digital space para sa publiko.
Pinayuhan din ng ahensiya ang lahat na manatiling alerto, kalmado, at responsable sa paggamit ng internet.