Ibinahagi ni Kapamilya Primetime King Coco Martin ang tindig niya kaugnay sa kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas.
Sa latest episode ng “KC After Hours” noong Sabado, Nobyembre 1, sinabi ni Coco na may isang kaibigann umanong nagtanong sa kaniya kung bakit hindi siya dumalo sa malawakang kilos-protesta kontra korupsiyon na ikinasa noong Setyembre 21.
“Sabi ko, kasi hindi ko naman kailangang makipag-away, makipagsigawan, makipagbatuhan. May kaniya-kaniya tayong pamamaraan. At ‘yong pamamaraan ko, ‘yong pagkukuwento at page-educate sa mga tao kung ano ang nangyayari sa ating bansa,” saad ni Coco.
Dagdag pa niya, “Sabi nga natin, either series ‘yan, teleserye, o pelikula ‘yan, ito ay sumasalamin sa buhay ng mga Pilipino, sumasalamin sa buhay ng mga tao.”
Kaya hindi umano nangangahulugang wala siyang puso sa bayan dahil sa hindi niya pagsasalita tungkol sa mga nangyayaring isyu.
Tila nadala na rin kasi ang aktor nang minsan siyang magsalita noong kasagsagan ng pagpapasara sa ABS-CBN noong 2020.
“Hindi kami nagsasalita lang no’n bilang artista. Nagsasalita kami dahil sa mga taong mawawalan ng trabaho. Pero ang pinakamasakit n’on, ‘yong mga kapuwa artista pa ang sumisira sa amin,” ani Coco.
Matatandaang Mayo 2020 nang tuluyang mawalan ng bisa ang 25-taong legislative franchise ng ABS-CBN matapos mag-no ang 70 kongresista sa pagbibigay ng prangkisa.
Bukod pa rito, binanatan din ang nasabing TV network ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi nito pagpapalabas ng kaniyang campaign ads noong 2016.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng network at ipinaliwanag na may limitasyon umano ang pagtanggap nila ng local ads.