Gumuhit ng pangalan sa kasaysayan ang siyam na restaurant sa bansa ng gawaran ang mga ito ng “Michelin Stars” kamakailan.
Ayon sa Michelin Guide, ang kanilang 2026 selection ay binubuo ng 108 establisyimento sa Maynila at Cebu.
Isa rito ang ginawaran ng dalawang Michelin Star, walo ay mayroong Michelin Star, 25 Bib Gourmand, at 74 Michelin Selected restaurants.
“This selection pays tribute to a new generation of Filipino chefs — and international chefs who have embraced the Philippines — drawing inspiration from local heritage, bold flavors and heartfelt hospitality. Whether in fine dining rooms or at street-side eateries, our inspectors were deeply impressed by the culinary authenticity and creativity found across the country.” pagbati ni Gwendal Poullennec, ang International Director ng Michelin Guide.
Dahil dito, ano ba ang Michelin Star at paano ito iginagawad sa mga restaurant?
Ang Michelin Star ay ginagawad sa mga restaurant na mayroong hindi matatawarang lebel ng mga lutuin.
Ayon sa Michelin guide, mayroon silang sinusunod na limang universal criteria sa pagbibigay ng Michelin Star.
Ito ay ang kalidad ng mga rekadong ginamit, ang harmony ng mga lasa nito, ang karunungan o mastery ng technique na ginamit sa paghahanda ng lutuin, ang paglabas ng personalidad ng chef sa lutuin, at ang consistency sa buong menu.
Ang mga restaurant na kabilang na sa Michelin Guide ay hindi na kinakailangang mag-apply para sa Michelin Star, dahil ang mga restaurant na nasa listahang ito ay sumasailalim sa regular na re-assessment.
Sa mga hindi naman kabilang dito, puwede pa rin mag-inquire para makabilang sa Michelin Guide.
Puwede rin makasali rito ang mga restaurant sa pamamagitan ng rekomendasyon mula sa mga mambabasa ng Michelin Guide.
Ano ang pagkakaiba ng 1,2, at 3 Michelin Stars?
Ang One Michelin Star ay ginagawad sa mga restaurant na gumagamit ng “top-quality” ingredients, at mayroong kakaiba o distinct flavors na ihinada sa mataas na standard.
Ang Two Michelin Stars ay iginagawad kapag ang personalidad ng chef ay nakikita sa pamamagitan ng mga lutuin nito.
Habang ang Three Michelin Stars, na pinakamataas sa parangal na ito, ay iginagawad sa mga restaurant na ang mga putahe ay kinakikitaan ng potensyal maging “classic dishes.”
Ano ang iba pang award na iginagawad ng Michelin Guide?
Ang Bib Gourmand ay parangal sa mga restaurant na mayroong mga lutuing inihanda sa dekalidad na paraan sa mas abot-kaya presyo.
Sean Antonio/BALITA