Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto ng 31 most wanted na mga indibidwal, sa gitna ng paggunita ng Undas noong Sabado, Nobyembre 1.
Mababasa sa ulat na ibinahagi ng PNP nitong Linggo, Nobyembre 2, inilahad nila na ang mga nasakoteng mga indibidwal ay humaharap sa umiiral nilang warrant of arrest.
“Nanatiling alerto at aktibo ang Philippine National Police (PNP) kahapon, Nobyembre 1, upang tiyakin na ang kaligtasan at kaayusan ng publiko ay hindi humihinto kahit sa Undas long weekend. Habang milyon-milyong Pilipino ang dumalaw sa mga sementeryo at memorial park upang bisitahin ang puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay, patuloy na nagsagawa ang kapulisan sa buong bansa ng intelligence-driven operations, checkpoints, at iba pang police-initiated actions,” anang PNP.
“Dahil sa matinding pagtutok na ito, 31 Most Wanted Persons ang naarestado sa isang araw lamang, lahat ay may standing warrant of arrest sa iba't ibang kinasangkutang krimen,” dagdag pa nila.
Ibinahagi rin ng ahensya ang naging pahayag ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. at PNP Spokesperson at Chief PIO, PBGEN Randulf T. Tuaño hinggil sa naturang operasyon.
“Habang marami sa ating kababayan ang nagdiriwang ng Undas, ang ating mga pulis ay nananatiling mapagbantay. Hindi nagbabakasyon ang pagpapatupad ng batas at seguridad publiko. Hindi alintana kung long weekend o holiday, ang kaligtasan ng bawat Pilipino ang aming pangunahing prayoridad,” ani Nartatez.
“Nandiyan ang aming mga tauhan sa ground, nagtatrabaho nang 24/7 upang tiyakin ang seguridad ng bawat komunidad. Nandiyan kami sa bawat lugar na nangangailangan ng katahimikan at kaayusan,” ani Tuaño.
Nagpaalala naman ang awtoridad sa publiko na maging mas maagap at mapagbantay, upang mapanatili ang kaligtasan sa komunidad, kasabay ang pag-uulat sa kinauukulan, kung may kahina-hinalang mga pangyayaring nagaganap.
Vincent Gutierrez/BALITA