Nagbalik-tanaw si singer-songwriter Ogie Alcasid sa naging pagganap niya noon bilang Boy Pick Up sa longest-running gag show na "Bubble Gang."
Sa latest episode kasi ng “Ogie Diaz Inspires” kamakailan, napag-usapan ng dalawang Ogie ang tungkol sa pagsabay sa trip ng mga kabataan sa kasalukuyan.
“Tina-try ko sakyan. Mayro’ng mga bagay-bagay na hindi ko ma-gets lalo na ‘yong pananalita nila, hindi ko masyadong naiintindihan like sina Darren [Espanto], sina AC [Bonifacio],” lahad ni Alcasid.
Dagdag pa niya, "Pero ‘yong humor, naalala mo ba ‘yong Boy Pick Up? Ang humor kasi no’n, ‘di ba walang kuwenta ‘yong mga sinasabi ko do’n? [...] Parang ‘yan ang humor ngayon ng mga Gen Z."
Kaya kapansin-pansin umano na muling pinapalutang ng mga kabataan ang ilang video clip mula sa nasabing segment noon ng “Bubble Gang.”
Ayon sa singer-songwriter, kapag binabalikan niya raw ang pagganap niya bilang Boy Pick Up hindi siya makapaniwalang nagawa niya ang gano’n.
“Grabe, naisip kong gawin ‘yon. Wala namang kuwenta ‘yon. Pero sa utak ko kasi, parang nakakatawa siya. Pero nage-gets ng mga bagets,” ani Alcasid.
Matatandaang kamakailan lang ay nakasama pa niya sa isang event si Eri Neeman na gumanap bilang Boy Back Up sa Boy Pick Up.
Maki-Balita: Boy Pick Up, Boy Back Up muling nagkasama: 'Neneng B na lang kulang!'
Samantala, sa ginanap namang 30th anniversary ng Bubble Gang noong Oktubre 19 ay muling nagbalik bilang Boy Pick Up si Alcasid.