Binigyang importansya ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang mensahe para sa Undas ang pagkakaroon ng pagkakaisa at pag-asa sa bawat pamilyang Pinoy.
“Sa ating paggunita ng Undas, nawa’y isapuso natin ang tunay na diwa ng pananampalataya, pagpapahalaga sa mga santo at maalab na pag-alala sa ating mga yumaong mahal sa buhay,” pagbati ni VP Sara sa kaniyang mensahe.
Hinikayat din niya ang mga Pinoy na patuloy ipanalangin ang kapayapaan at katahimikan ng kaluluwa ng mga yumao, at patuloy gawing inspirasyon ang kanilang mga naging alaala.
“Patuloy nating ipanalangin ang kapayapaan at katahimikan ng kanilang mga kaluluwa. Sana’y maging inspirasyon ang kanilang alaala sa bawat hakbang natin sa buhay,” paghihikayat ng Bise Presidente.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, hiling niya na manaig ang pagkakaisa at pag-asa sa bawat pamilyang Pinoy, at pagharap sa araw-araw ng may pagmamahal at pananampalataya.
“Ngayong Undas, nawa’y manaig ang pagkakaisa at pag-asa sa bawat pamilyang Pilipino. Harapin natin ang bawat araw ng may pananampalataya, pag-asa at pagmamahal,” aniya.
“Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan at sa bawat Pamilyang Pilipino,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA