Walang takot na inilahad ng isang ina ang kakila-kilabot nilang karanasan, kasama ang kaniyang mga anak, matapos manirahan sa isang sementeryo sa Maynila.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Melody, ibinahagi niya ang ilan sa mga hindi malilimutan nilang karanasan na nagdala sa kaniya umano ng takot at “trauma.”
“Ako si Melody Rivera, dating nakatira sa sementeryo, may dalawang anak at ‘yong kinakasama ko. Natatakot po ako na umuwi dahil hindi naman tatanggapin ‘yong kinakasama ko ng pamilya ko, kaya nag-decide po akong tumira sa sementeryo kahit natatakot ako. Noong nanirahan nga kami roon, nag-anak ako ng isa,” panimula ni Melody.
“Noong una ho, takot ako dahil hindi naman ako sanay tumira doon, sa ganoong lugar. May pangyayari pa nga po na nang tumira ako doon, hindi ako makatulog. Tapos noong kaanuhan ho, sumilip ako doon mula sa pinaghihigaan ko, nakakita ako ng nakaangat po na kabaong. Natakot po ako lalo, e napasigaw ako, nagulat yong kinakasama ko,” pagpapatuloy niya.
“E nakita ko po ‘yong kabaong po na lumalakad. ‘Yon pala po, pinakita ng kinakasama ko na may nakabuhat. Ibig sabihin, may kinuha silang kabaong. Pinaliwanag ng asawa ko dahil hindi naman ako taga-roon, ‘di ko alam na ganoon na may gumagawa talaga noon doon. Doon ko napag-alaman na porke nasa sementeryo ka, e may mga nagpapakita na ganoon, may ganito, hindi naman po ako nakakita ng ganoon maliban sa mga ‘yon nga po, may mga ganoon na bagay, na nakakita ako ng kabaong na nakalutang, e ‘yon pala may tao sa ilalim, binubuhat nila,” saad pa niya.
Inilahad niya rin ang isang kagimbal-gimbal na karanasang nagbukas sa kaniyang isipan na maging ang mga buhay, ay kaya ring magdala ng labis na takot sa isang tao.
“Mayroon ding time po na nag-away kami ng kinakasama ko, tapos kapapanganak ko lang po sa pangalawang anak ko, e nag-away kami ng kinakasama ko, hindi ko akalain na magagawa niya ‘yong bagay na ‘yon! Susunugin niya kami nang buhay, sa loob ng aming museleong maliit na tinitirahan namin. Ni-lock niya kami roon saka siya nag-apoy. Natakot po ako nang sobra-sobra noon,” pagbabahagi ni Melody.
“Nakapag-isip-isip ako na mabuti ang patay, nagpaparamdam lang. Samantalang ito buhay, talagang kayang manakit, kaya niyang pumatay. Natakot ako para sa dalawang anak ko,” dagdag pa niya.
“Noong nabalitaan ng mga magulang ko ‘yong nangyari na ‘yon, kinuha na nila ako. Hanggang ngayon, nandito na ako sa pamilya ko, kasama ‘yong dalawang anak ko at iniwan ko na ‘yong kinakasama ko,” aniya pa.
Dulot ng naranasang delubyo, nanindigan si Melody na hindi na muli silang babalik sa sementeryo upang doon manirahan.
“Hindi na po [kami titira ulit sa sementeryo], dahil parang bangungot sa akin. Sobrang takot ang nangyari sa akin noong panahon na nasa sementeryo ako. Dito na lang po ako sa pamilya ko, sigurado akong ligtas ang mga anak ko, pati ang buhay ko. Kasi kung babalik ako doon, nakaya nga ng kinakasama ko na susunugin kami sa tinitirahan namin, e ano pa kaya kung makisama ulit? Baka hindi na kami makaligtas. Suwerte na lang at nakaligtas kami, kaya kung may pagkakataon na babalik doon, hindi na siguro, sa takot at trauma na ibinigay sa akin. Para sa mga anak ko, at maging sa sarili ko, [‘di na ako babalik doon], aniya.
“Doon ko napagtanto na hindi ang patay ang nakakatakot, ang patay nagpaparamdam pero hindi niya kayang manakit, [hindi] kamukha ng ginawa ng kinasama ko,” dagdag pa niya.
“Saka ngayon, sabi ko nga, kahit na suyuin man ako ng kinakasama ko, hindi na ako babalik doon. Tinanggap naman ng mga magulang ko ‘yong mga anak ko, e dito safety na ‘yong mga anak ko. Nakakain nila ‘yong gusto nilang kainin, maayos na ‘yong kalagayan nila rito, hindi sila mababasa ng ulan kahit na umulan nang malakas, kaya okay na po ako dito, na nandito ‘yong pamilya ko [at] ‘yong mga anak ko,” pagtatapos niya.
Sa kasalukuyan, masayang naninirahan si Melody, kasama ang kaniyang mga anak, sa bahay ng kanilang pamilya sa Malabon. Ayon sa kaniya, wala na umano siyang naranasang takot at pangamba matapos nilang umalis sa pinagtirahang sementeryo.
Vincent Gutierrez/BALITA