Mainit na sinalubong ng ilang Hallyu stars ang world leaders sa 2025 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit Gala Dinner sa Gyeongju, South Korea, noong Biyernes, Oktubre 31.
Ang nasabing Gala Dinner ay ginanap sa 5-star Lahan Select Gyeongju hotel, na pinangunahan ng aktor at boy band Astro visual at vocalist na si Cha Eun-woo, bilang host.
Si Cha ay kasalukuyang kinukumpleto ang kaniyang mandatory military service at naiulat na napiling maging host ng APEC welcome banquet sa layong i-promote ang Korean pop culture sa mundo.
Nagtanghal din ang singer, rapper, at leader ng boy band na BigBang na si G-Dragon, ng medley ng ilan sa kaniyang hit songs na, “Power,” “Home Sweet Home,” at “Drama.”
Ilan pa sa mga nagtanghal sa piging ay ang dance crews na kinabibilangan ni Lee Leejung, na nakilala sa kaniyang kontirbusyon sa hit Korean animated film na “K-Pop Demon Hunters”, at Honey J, na leader ng hiphop group HolyBang, na nanalo sa unang season ng Mnet dance competition “Street Woman Fighter.”
Nasa piging din ang 11-anyos na violin prodigy na si Kim Yeon-ah, kasama ang isang four-legged robot na si Spot, bilang simbolo ng pagkakasundo sa pagitan ng mga tao at teknolohiya.
Panghuli ay ang APEC Project Childrens’ Choir, na binubuo ng 24 na mga bata mula sa iba’t ibang parte ng mundo, na kumanta ng “Fly” para ipahatid ang mensahe ng kapayapaan at pagkakaisa.
Ang gala dinner ay dinaluhan ng mahigit-kumulang 400 bisita na binubuo ng APEC leaders, mga asawa nito, international organization heads, at mga global CEO (chief executive officer).
Ang dinner menu naman ay inihanda ng Korean-American chef na si Edward Lee, sa ilalim ng temang “Harmony of Korean and Western Cuisine.”
Ang South Korean rapper-songwriter, at leader ng boy group na Bangtan Sonyeondan (BTS) na si Kim Nam-joon naman ang nagbahagi ng keynote speech sa APEC CEO Summit noong Miyerkules, Oktubre 29.
Dito ay hinikayat niya ang mga mambabatas na pagtuonan ng pansin ang sining at ang mga tao sa likod nito para sa malaya at malikhaing pagbabahagi ng kanilang talento at kultura.
Sean Antonio/BALITA