“When God sets somebody free, there is a purpose behind it–that we might lead people to God, that we might lead people to heaven.”– Lester Sumrall.
Ang kuwento ni Clarita Villanueva ang isa sa mga istoryang gumimbal sa buong mundo noong dekada ‘50 dahil sa misteryong bumalot sa 300 taong kasaysayan ng Bilibid.
Sino ba si Clarita Villanueva?
Si Clarita ay isang 17-anyos na maagang namulat sa mga hirap ng buhay.
Ang kaniyang ina, na isang espiritista at manghuhula, ay yumao noong 12 anyos pa lamang si Clarita.
Dahil walang mapupuntahang malalapit na kamag-anak, si Clarita ay nagpalaboy-laboy sa mga kalsada, hanggang sa napunta siya sa pangangalaga ng mga patutot, kung saan tinuruan din siyang magbenta ng katawan para sa pera.
Kalauna’y nakipagsapalaran si Clarita sa Maynila, mula sa kaniyang bayan na Bacolod, Negros Occidental.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang mga serbisyo dito hanggang sa isang araw, napagkamalan niyang costumer ang isang pulis, na nagdulot para hulihin siya at dalhin sa Bilibid.
Pagkakakulong ni Clarita sa Bilibid
Dalawang araw matapos dalhin si Clarita sa Bilibid, malalalim na marka ng kagat ang lumabas sa kaniyang katawan.
Ayon sa kaniya, dalawang nilalang ang nagdulot ng mga markang ito–isang espiritu na inihalintulad niya sa isang malaking halimaw, at isang maliit na espiritu.
Ang malaking espiritu raw na bumabagabag sa kaniya ay malaki, itim, at mabuhok na nilalang, at mayroon din itong mga pangil, at malalaking ngipin.
Ang maliit naman daw na nilalang ay inihalintulad niya sa isang duwende, na gumagapang sa kaniyang katawan, at kumakagat sa kaniya sa bandang dibdib at leeg.
Ang mga nasabing kagat at marka ay malalalim at nagdurugo na nagdudulot para sumigaw at mahimatay ang dalagita sa sakit.
Nang marinig ng mga guard at medic ang komosyon sa women’s division ng Bilibid, agad na dinala si Clarita sa ospital ng kulungan para sa obserbasyon, kung saan, dito ay sinabi ng mga doktor na hindi pa sila nakakakita ng ganoong pangyayari.
Isa sa mga tumulong na doktor ay si Dr. Lara, na humingi ng tulong sa media para matiyak ang nangyayari sa dalagita.
Dahil dito, naglipana sa front page ng mga dyaryo at magazine ang nangyayari kay Clarita, hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi maging sa iba pang bansa.
Nakarating ang balitang ito kay Lester Sumrall, isang dayuhang ministeryo, at ayon sa kaniyang libro na Alien Entities, sa kaniyang pagbyahe sa iba’t ibang bansa, palagi niyang nakikita ang mga ulat tungkol kay Clarita.
“In my travels throughout the world, I have not been in any country in which the newspapers did not give this story front-page coverage. Switzerland, France, Germany, England, Canada, the United States–everywhere this strange phenomenon was front page news at the time,” aniya.
Ayon din sa lathala ng librong ito, isang doktor ang nagakusa kay Clarita na umaarte lamang ito.
Sa nanlilisik na mata ng dalagita, tinignan niya ang nasabing libro at binantaang mamamatay ito.
Sumunod na araw, biglang pumanaw ang doktor nang walang dahilan.
Dahil sa pangyayaring ito, binalot ng takot ang buong Maynila, at nakilala si Clarita, hindi lang bilang isang patutot, kung hindi isa ring mangkukulam na nagbibigay ng sumpa sa mga tao.
Isang araw din, nabalitang namatay ang warden na sumipa kay Clarita noong dahil sa hindi niya pagsunod.
Matalas siyang tinignan ng dalagita at sinabing “mamamatay ka!”
Sa loob ng apat na araw, namatay ang warden at inilibing.
Ang warden ang naging pangalawang biktima ng mga demonyong sumapi kay Clarita.
Ang pagdating ni Lester Sumrall sa Bilibid
Ayon kay Sumrall, naramdaman niya ang pagbalot ng lubos na takot sa mga guard ng preso.
“I have never seen such a fearful and perplexed group of people as those I met in that prison that day. They were afraid that this thing would kill them as it had the two others who dared cross it,” saad niya.
Isang araw matapos makipagpulong kay Dr. Lara, humingi ng permiso si Sumrall sa opisina ni dating Manila City Mayor Arsenio Lacson para makita si Clarita.
Nang dalhin ang dalagita sa kwarto na kinilalagyan ni Sumrall kasama ang isang malaking grupo ng mga reporter, doktor, at university professors na inimbitahan ni Dr. Lara, bayolente itong sumigaw.
“As Clarita was being led into the room, she looked at them and said nothing, but when she saw me she screamed violently, "I hate you!" Instantly I inserted, "I know you hate me. I have come to cast you out," saad ni Sumrall.
Dito na nagsimula ang komprontasyon ni Sumrall sa mga demonyong nagpapahirap sa dalagita, na tumagal ng tatlong araw.
“There was a raging battle with the girl blaspheming God the Father, God the Son, and God the Holy Spirit. Her eyes were burning coals of fire and full of hate,” paglalarawan ni Sumrall.
Ayon pa sa libro ng ministro, bago kaharapin ang mga espiritung nananakit kay Clarita, buong gabi niyang iniluhod at iniyak ang nangyayari sa lungsod.
“I stayed up all night praying and weeping before the Lord. I was interceding for the city, for the girl and for myself. I was living in a city that had a great need and I was not helping to meet that need,” aniya.
Umaga raw bago harapin si Clarita, na bagama’t ayaw niyang pumunta, muli pang kinausap ng Panginoon si Sumrall at tiniyak na siya lamang ang makakapagpaalis sa mga espiritung nananakit dito.
“The next morning God spoke to me and told me to go to that prison and pray for the demonized girl. I did not want to go, but God assured me that He had no one else in the city to send. Therefore I went,” saad niya.
Ayon sa mga ulat, bagama’t Filipino lamang ang alam na salita ni Clarita, ang mga insultong ibinato niya sa ministro ay nasa wikang Ingles.
Sa pangalawang araw, matapos ang praying at fasting ni Sumrall, nagpatuloy ang pakikipagbuno sa mga espiritu kay Clarita.
“In the name of Jesus Christ, I bind every power of the devil and command you to be free from this moment, in Jesus’ name!” mariing utos ni Sumrall.
Sa pag-aakalang payapa na ang dalagita, muling bumalik ang mga demonyo na lumabas sa bintana ng kwarto.
“Why have you returned? You know you must go and not return,” tanong ni Sumrall sa mga espiritung bumalik sa katawan ni Clarita.
“But, she is unclean, and we have a right to live with her,” sagot naman ng mga demonyo gamit ang boses at katawan ng dalagita.
“Mary Magdalene was unclean with seven like you, and Jesus came into her life, and she became clean by His mighty power. Therefore, I demand you now to depart, and Jesus will make her clean,” saad ni Sumrall, na nagdulot para muling umalis ang mga demonyo.
Sa pangatlo at huling araw, nabahala si Clarita sa posibleng pagbalik ng mga demonyo pag-alis ni Sumrall at ng kaniyang team.
Kaya, sinabihan siya ng ministro na sa ngalan ni Hesus, kaya na niyang palayasin ang mga demonyo.
“You must say, ‘Go, in Jesus’ name,’ and they will obey,” panghihiyakat ni Sumrall kay Clarita.
Kinagabihan nang araw na iyon, sumigaw si Clarita dahil sa muling pagbabalik ng mga demonyo.
Agad niyang sinabihan ang guwardiya na nakatayo ang mga demonyo sa likod nito, na nagdulot para matakot ang guwardiya at magtago sa lamesa nito.
Sa tulong ng guwardiya, naalala ni Clarita ang sinabi ni Sumrall na kaniyang sasabihin kung sakaling balikan siya ng mga demonyo, kaya matapos ito, naiulat na malalim na nakatulog ang dalagita.
Ayon sa mga otoridad, nang ilagay ng mga doktor si Clarita sa lamesa para gamutin, nakita nila ang mga tuyong buhok sa nakakuyom nitong mga palad.
Nang obserbahan ito nila Dr. Lara sa ilalim ng microscope, naobserbahan nilang hindi ito buhok na mula sa isang tao.
Ayon sa mga reporter noong panahon na ito, naitalang mahigit-kumulang 15 na demonyo ang lumabas sa katawan ni Clarita.
Ang paglaya ni Clarita mula sa mga demonyo
Matapos ang paglaya ni Clarita mula sa pananakit ng mga demonyo, inilipat siya sa isang welfare facility, at agad din namang nakalaya rin dito.
Ayon sa autobiography ni Sumrall, 40 taon matapos ang paglaya ni Clarita, nanirahan si Clarita sa Luzon, kung saan, nakapangasawa siya ng isang magsasaka, kung saan, naging parte siya ng isang lokal na simbahan.
“The victory was sure. Christ again proved himself to be the answer!” ani ng ministro.
Sean Antonio/BALITA