Nilinaw ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na hindi raw totoo ang balitang nagtatrabaho ang asawa ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez sa natupok nilang opisina sa Quezon City.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Dizon nitong Biyernes, Oktubre 31, sinabi niyang nakarating na rin daw ang balitang iyon sa kanila at agad nila itong itinama.
“Narinig ko rin ‘yong report na ‘yan at ni-verify din namin agad,” pagsisimula niya.
Ani Dizon, mali raw ang umano’y kumalat na sabi-sabi na nagtatrabaho ang asawa ni Hernandez sa nasunog nilang opisina sa DPWH - Bureau of Research and Standards sa QC.
“Mali ‘yong building na tinutukoy nila. ‘Yong dating asawa ni Brice Hernandez ay nagtatrabaho sa building ng Region IV-B,” anang secretary.
“‘Yan po ay building na malapit-lapit doon sa nasunog na building na Bureau of Research Standards. Hindi po ‘yong building na ‘yon,” pagtatapos pa ni Dizon.
Matatandaang ginulantang ang taumbayan nang biglang nasunog ang nasabing opisina ng DPWH noong Oktubre 22, 2025.
Agad namang nilinaw ng nasabing ahensya na wala umanong nadamay na mga dokumentong may kaugnayan sa flood-control projects.
MAKI-BALITA: DPWH, nilinaw na walang flood-control projects documents na nadamay sa sunog sa QC
“The DPWH confirms that no documents related to the ongoing investigation into the flood control anomalies were in the Bureau of Research and Standards (BRS) building that caught fire in Quezon City today,” saad ng DPWH sa inilabas nilang pahayag noon.
Anila, sumabog na computer unit sa loob ng kanilang Materials Testing division ang naging sanhi ng nasabing sunog.
“Initial findings indicate that the fire originated from a computer unit inside the Materials Testing Division that reportedly exploded,” pagbabahagi ng DPWH.
“No employees were harmed during the incident,” pagtitiyak pa nila.
MAKI-BALITA: ‘Hindi n'ya na pinipilit!' Brice Hernandez, 'di na bet maging state witness—Ombudsman
MAKI-BALITA: DPWH, inisa-isa mga dokumentong natupok sa sunog sa QC; flood-control documents, safe?
Mc Vincent Mirabuna/Balita