Pinag-iingat ni Criminal Investigation Division Group-National Capital Region (CIDG-NCR) Chief PCol. John Guiagui ang publiko laban sa mga kriminal na elemento ngayong Undas.
Sa kaniyang pagdalo sa MACHRA Balitaan news forum na idinaos ng Manila City Hall Reporters' Association sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila nitong Biyernes, sinabi ni Guiagui na maraming kriminal na elemento, gaya ng mga mandurukot at magnanakaw, ang maaaring makihalubilo sa mga taong magtutungo sa mga sementeryo ngayong Undas upang makapambiktima.
Dahil dito, pinayuhan ni Guiagui ang publiko na maging alerto at bantayang mabuti ang kanilang mga ari-arian at mga tahanan laban sa mga kriminal na maaaring magsamantala sa sitwasyon.
“Marami ang maaaring mananamantala una, ang mga mandurukot ay makikipagsisiksan sa pilahan sa sementeryo. Di n'yo alam 'yung mga gamit nyo, nakulimbat na pala,” ayon pa kay Guiagui.
Sakali naman umanong may mga mapunang mga taong kahina-hinala ang kilos ay maaaring kaagd itong isumbong sa mga pulis, na nakakalat sa mga istratehikong lugar.
Pinayuhan din naman ng opisyal ang mga residenteng aalis ng kanilang tahanan upang bumisita sa mga sementeryo o di kaya ay magbakasyon na humingi ng tulong sa barangay at mga kapitbahay upang matiyak na protektado ang kanilang mga tahanan mula sa masasamang elemento.
“Alam natin, marami sa ating mga kababayan ang nasa kani-kanilang probinsiya na. Marami ang nag-iwan ng bahay o walang iniwang bantay sa bahay dahil ultimo aso ay dala-dala nila so pag ganoon, make sure na “kapitbahay, chairman patignan naman pakibisita naman ang bahay ko.” Pwede din ang kapulisan. You can always call the PCPs (police community precincts) or police stations if have concerns and make no mistake, ang pulis magmo-motor to check on your home,” pahayag pa ni Guiagui.
Kung maiiwanan naman ang mga kasambahay sa bahay, sinabi ni Guiagui na tiyaking palagian ring tsinitsek ang mga ito.
“I-check din natin kung nasa bahay pa sila (helpers) kasi baka nagbulakbol din. Bilinan silang mag-lock at tignan-tignan ang mga gamit kung andiyan pa ba,” ani Guiagui.
Anang opisyal, dapat ring paalalahanan ang mga kasambahay hinggil sa modus operandi na ng 'Dugo Dugo Gang.'
Sa ilalim ng naturang iskima, kinukontak ng mga miyembro ng gang ang mga kasambahay at sinasabihang naaksidente ang kanilang mga amo.
Dito nila inuutusan ang mga ito na kuhanin ang pera at mahahalagang gamit ng kanilang mga amo upang may pambayad ang mga ito sa pagamutan.
“Always check ang mga bahay ninyo at ang mga naiwan sa bahay nyo,” dagdag pa ni Guiagui.