Kinatigan ng aktor at komedyanteng si Bayani Agbayani ang talak sa social media ni Kapuso Drama King Dennis Trillo kaugnay sa korapsyon.
“Done na po magbayad ng tax nung isang araw. Pwede niyo nang nakawin ulit,” saad ni Dennis sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 24, 2025.
MAKI-BALITA: Sey ni Dennis Trillo sa mga korap: 'Done na pong magbayad ng tax, pwede nang nakawin'
Tila naka-relate si Bayani sa nasabing post ni Trillo kaya ibinahagi niya rin ito sa kaniyang social media account.
Ayon sa Instagram post ni Bayani noong Oktubre 25, nagawa niyang pasaringan ang mga hindi niya tinukoy na indibidwal na may koneksyon sa korapsyon.
“Hindi na kayo nahihiya, pinakamayamang artista na ang nagsasalita sa inyo,” pagsisimula niya.
Photo courtesy: Bayani Agbayani (IG)
“Ang kakapal ng mukha n’yo. Salamat po, brother Dennis Trillion,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nanawagan na rin noon sa pamahalaan ang Bayani tungkol sa mga pulitiko na umano’y “matagal nang nagnanakaw” sa kaban ng bayan.
MAKI-BALITA: Bayani Agbayani, umapelang ibalik parusang bitay para sa mga korap
“Ako po’y nananawagan sa ating legislative branch ng government. Sa ating mataas na kapulungan at sa ating mababang kapulungan ng kongreso. Para po matigil na ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga ganid, suwapang, makakapal ang mukha,” saad niya noong Setyembre 22, 2025, sa kaniyang Instagram post.
“Urgent po, gumawa kayo ng batas. Kung sino man po ang nagtatrabaho sa gobyerno ang magnakaw ng piso hanggang trillion pesos ay bitay ang hatol,” pahabol pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita