January 25, 2026

Home BALITA

'Iwan init ng ulo sa bahay!' DOH, may paalala sa mga biyahero ngayong Undas

'Iwan init ng ulo sa bahay!' DOH, may paalala sa mga biyahero ngayong Undas

Nanawagan ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes, Oktubre 31, 2025, sa mga biyahero ngayong long weekend para sa Undas, na pairalin ang disiplina sa kalsada at manatiling kalmado upang maiwasan ang mga insidente ng road rage na maaaring magdulot ng pinsala o aksidente.

Ipinahayag ni Health Secretary Ted Herbosa ang paalala habang nagsasagawa siya ng inspeksyon sa mga emergency tent na itinayo sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) bilang bahagi ng paghahanda ng DOH sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.

“Very important, dalhin n’yo ang mga gamot ninyo pero iwan ninyo na ang init ng ulo sa bahay. ‘Pag kayo’y nagmamaneho, sigurado yun may traffic kasi lahat gusto makauwi. Dadating po tayong lahat sa ating mga kamag-anak,” ani Herbosa.

Dagdag pa niya, “Wag magmadali, matutong magbigay. Road courtesy lang po tayo. Yung mga pasaway jan, follow road rules para hindi tayo naa-ano sa road rage.”

Bulkang Mayon, 18 araw nang aktibo sa pag-aalboroto; lava flow, umabot na ng hanggang 3km

Ayon kay Herbosa, maaaring mag-avail ng zero-balance billing ang mga mabibiktima ng aksidente sa kalsada sa mga pampublikong ospital ng gobyerno.

“Yes sagot siya, basta nasa basic accommodation,” anang DOH secretary.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga may karamdaman, partikular ang mga may altapresyon at diabetes, na huwag kalimutang dalhin ang kanilang maintenance medicines bago bumiyahe.

Itinaas ng DOH ang Code White Alert sa tanggapan nito at sa lahat ng Centers for Health Development sa bansa bilang paghahanda sa Undas.

Sa ilalim ng nasabing alert status, nakahanda ang lahat ng medical personnel, lalo na yaong mga naka-duty sa emergency rooms at critical care units, para sa inaasahang pagdami ng pasyente dulot ng mga aksidente, pinsala, o iba pang health-related incidents na maaaring mangyari habang ginugunita ang Undas.