Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang 14 taong gulang na dalagita na anim na buwan ng nawawala sa Davao de Oro.
Ayon sa mga ulat, tatlong batang naghahanap ng mamarang ang nakakita sa bangkay ng biktima sa loob ng isang abandonadong bahay.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, noong Abril 2025 pa raw nang huling makitang buhay ang biktima. Isang chat din ang lumutang kung saan noong nasabing buwan din nakapag-chat ang biktima na nagsasabing aalis umano siya para sumama sa kaniyang boyfriend.
Hinala ng pulisya, maaaring ang suspek na raw ang may hawak ng account ng biktima noong nakapag-chat pa ito sa kaniyang kaibigan.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.