Umakyat na sa hindi bababa sa 121 katao ang nasawi sa isang malawakang operasyon ng pulisya laban sa isang sindikato ng droga sa Rio de Janeiro, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes.
Sinimulan ang operasyon noong Martes, Oktubre 28, 2025, sa dalawang favela o mahihirap na komunidad ng lungsod, na nagresulta sa matinding palitan ng putok. Apat na pulis ang kumpirmadong nasawi, habang hindi pa matukoy kung ilan ang sugatan.
Mula sa naunang bilang na 119, itinaas ng mga opisyal sa 121 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, bagaman wala pang karagdagang detalye hinggil sa dalawang bagong naiulat na pagkamatay.
Naghain ng petisyon ang Public Defender’s Office ng Brazil sa Korte Suprema upang magkaroon ng access sa mga forensic evidences na may kaugnayan sa mga nasawing pulis. Ayon sa kanilang tala, umabot sa 130 ang kabuuang bilang ng mga namatay, na mas mataas kaysa sa opisyal na bilang ng pulisya.
Nanawagan naman ang ilang human rights organizations ng masusing imbestigasyon sa mga pagkamatay, at inilarawan ang operasyon bilang isa sa pinakamarahas sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa pulisya, bunga ng isang taon ng imbestigasyon ang operasyon laban sa grupong Red Command, isang kilalang sindikato ng droga na kumokontrol sa mga ilegal na gawain sa mga komunidad ng Complexo do Alemao at Penha. Nagsimula umano ang grupo sa loob ng mga bilangguan sa Rio at lumawak ang impluwensya sa mga nakaraang taon.
Sa operasyon, 113 katao ang naaresto, 118 armas ang nakumpiska, at mahigit isang toneladang droga ang nasabat.
Matagal nang kilala ang Rio de Janeiro sa mga madugong police raid. Noong Marso 2005, 29 katao ang napatay sa rehiyon ng Baixada Fluminense, at noong Mayo 2021, 28 naman ang nasawi sa isang operasyon sa Jacarezinho favela.