Nakahanda na rin sa darating na Undas ang sementeryo na pinaglalagakan ng labi ng mga balyena at dolphin na nasawi sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa rehiyon ng Bicol.
Sa Facebook page ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol, makikitang may mga nakatirik na kandila sa puntod ng 14 balyena at mga dolphin sa Cetacean Cemetery sa Fabrica, Bula, Camarines Sur.
Ang Cetacean Cemetery ay unang itinayo ng Fisheries Regional Emergency Stranding Response Team (FIRST) noong 2013 bilang tugon sa mga insidente ng pagka-stranded at pagkamatay ng mga napapadpad na marine mammals sa mga pampang ng rehiyon.
Ilan sa mga nakahimlay dito ay ay risso’s dolphin, spinner dolphin, fraser’s dolphin, dwarf sperm whale, bryde’s whale, melon-headed whale, at striped dolphin.
Ayon sa Facebook page ng BFAR-Bicol, karamihan sa mga sanhi ng kanilang pagkamatay ay blast fishing, ingestion ng solid waste, entanglement sa mga lambat, at boat strike.
Bukod sa pagbibigay ng maayos na himlayan sa mga lamang-dagat na ito, layon din ng Cetacean Cemetery na paalalahanan ang publiko sa responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, at sa pagbibigay-balanse sa marine ecosystem, at tungkulin na protektahan ang mga lamang-dagat laban sa mga gawain na kumikitil sa kanilang buhay.
Ang Bicol Region ay ang itinuturing na hotspit ng marine mammals dahil sa archipelagic location nito na nagsisilbing migratory route at tirahan ng iba’t ibang uri ng cetaceans.
Sean Antonio/BALITA