Kinakiligan ng mga netizen ang Instagram post ni Milano Sanchez, nakababatang kapatid ng award-winning broadcast journalist na si Korina Sanchez, matapos niyang ihayag na nagsimula na ang panliligaw niya kay Optimum Star Claudine Barretto.
Makikita sa Instagram post ni Milano ang larawan nila ni Claudine, kung saan makikitang nakatayo ang Optimum Star sa likod ni Milano habang nakaupo at yakap siya.
Nakatakip ang kaliwang kamay ni Milano sa sariling mukha niya, subalit kahit hindi makikita ang reaksiyon ng mukha, mahahalatang nakangiti rin siya gaya sa aktres.
Makikita naman sa likuran nila ang ilang food stalls, subalit hindi naman binanggit kung saang partikular na lugar ito.
Saad ni Milano, nagsisimula na raw ang paniningalang-pugad o panliligaw niya kay Clau, at nakahanda raw siyang maghintay.
Mababasa sa caption ng post, "The courtship starts now."
"No matter how long it takes, I will wait."
Pangako pa niya kay Claudine, "No one will ever break you again."
Maririnig naman ang awiting "Can We Just Stop and Talk Awhile" nina Gary Valenciano at Kyla sa nabanggit na video.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"To be honest sir ayoko na uli pumasok si clau sa isang relationship pero sana pure intention mo kundi bash aabutin mo skin."
"Alagaan mo 'yan, boi."
"Siguraduhin mo lang mapanindigan mo yan hanggang hulu kasi kung hindi buong buhay mo guguluhin namin kaya alagaan mo yan wag mong sasaktan."
"Kinikilig ako omgeee. Ngayon ko na lang uli nakita mag smile si Clau ng ganyan kasaya."
"At dahil mga pakialamera tayong lahat, eto lang masasabi ko.. KINIKILIG AKO!!! Hahhaha sagutin mo na Clau. Milano wag mo syang saktan. GO NA GUYS! Ahhaha."
"Pls take care of Claudine and never break her heart."
"Inspite of all negative issues against Claudine, i know she's kind and generous same with her sister Gretchen."
Samantala, makikita rin ang nabanggit na post sa mismong Instagram account ni Claudine.
Tila sagot naman ni Claudine kay Milano, "Can you really wait??? No matter how long??? No one [will] break me? Swear?"
Samantala, wala pang detalye kung kailan nagsimulang magkrus ang mga landas nina Claudine at Milano.
Matatandaang kasalukuyan pang gumugulong ang annulment case nina Claudine at estranged husband na si Raymart Santiago, matapos nilang maghiwalay noong 2013.
Kamakailan lamang ay muling pinag-usapan sina Claudine at Raymart matapos lumantad ang ina ng una na si Inday Barretto at nagpa-interview kay Ogie Diaz, kaugnay sa mga karanasan ng anak sa relasyon sa dating manugang.
Bagay na pinalagan naman ni Raymart, unang-una, sa pamamagitan ng legal counsels, at nitong huli, naglabas ng sariling mga pahayag tungkol sa isyu sa pamamagitan ng Instagram stories.
KAUGNAY NA BALITA: 'Untruthful, slanderous!' Raymart Santiago, bumwelta sa mga pasabog ni Inday Barretto laban sa kaniya
KAUGNAY NA BALITA: 'Nakakadismaya!' Raymart Santiago umalma sa 'paninira, nakasusuklam na akusasyon' ni Inday Barretto