December 13, 2025

Home SPORTS

'Mana sa ama!' Anak ni Manny Pacquiao, wagi sa Thrilla in Manila 2

'Mana sa ama!' Anak ni Manny Pacquiao, wagi sa Thrilla in Manila 2
Photo courtesy: Smart Araneta Coliseum (FB)/Jinkee Pacquiao (IG)

Panalo ang anak ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na si Eman Bacosa sa naganap na "Thrilla in Manila 2" sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City nitong Miyerkules, Oktubre 29.

Nasungkit niya ang panalo sa lightweight-6 rounds via unanimous decision mula sa kalaban niyang si Nico Salado ng Bohol, matapos makalikom ng puntos na 58-55, 58-5, 60-53.

Bagama't Eman Bacaso ang gamit na pangalan, makikita naman sa shorts niya ang apelyidong "Pacquiao."

MP Promotions (MPP) ng tatay niyang si Pacman ang nasa likod n boxing event, bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng "Thrilla in Manila," ang kontrobersiyal na boxing match sa pagitan nina Muhammad Ali at Joe Frazier na ginanap sa nabanggit na venue noong Oktubre 1,1975.

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

Pinusuan naman ng mga netizen ang pagbibigay-pugay ni Eman sa kaniyang ama at sa misis nitong si Jinkee Pacquiao, matapos puntahan sa audience seat at makipag-photo opportunity.

Si Eman ay anak ni Manny sa isang nagngangalang Joanna Rose Bacaso, isang waitress na nakilala at nakarelasyon niya noong 2003. Isinilang naman si Eman noong 2004.

Ayon sa mga ulat, walang masamang tinapay si Jinkee kay Eman at tanggap ang anak ni Manny; sa katunayan, si Mrs. Pacquaio pa raw ang humikayat na panoorin nila ang laban ng anak ni Manny.